Apat na magkakamag-anak ang nasawi matapos silang pagbabarilin habang nag-iinuman sa loob ng kanilang bakuran sa Tantangan, South Cotabato.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen noong Linggo ng gabi sa Barangay Dumadalig.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasa gitna ng kasiyahan ang mga biktima nang pumasok sa compound ang salarin at pinagbabaril sila.

Isa pa ang sugatan sa pamamaril na nagpapagaling sa ospital.

Nakakuha ang mga imbestigador ng 37 basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng nakatakas na salarin.

Sa Facebook post ng Regional Public Information Office - PRO 12, nagpatawag ng emergency conference si Police Brigadier General Percival Augustus Placer, Police Regional Director, at kabilang sa tinalakay ang naturang insidente sa Tantangan para kaagad na lutasin.-- FRJ, GMA Integrated News