Nasawi ang isang matandang nagbibisikleta matapos siyang mabangga at pumailalim sa isang armored van sa A. Bonifacio Avenue sa Quezon City.

Sa ulat ni Marisol Abduhraman sa GMA News 24 Oras nitong Martes, sinabing lumiko ang biktima sa A. Bonifacio mula sa 7th Avenue at kasunod niya ang van.

Sa kuha ng CCTV camera mula sa Quezon City Police District, makikita sa tumigil ang bisikleta sa gitna ng daan at naghihintay ng tiyempo para tumawid nang bigla siyang salpukin ng armored car mula sa likuran.

Hindi rin kaagad tumigil ang armored car kaya pumailalim pa ang biktima at nakaladkad ng may limang metro.

"Pagdating po sa gitna, papuntang A. Bonifacio, doon po nabangga nu'ng armored [car] 'yung bicycle rider," ayon kay Traffic Sector 1 Commander Captain Napoleon Cabigon.

Sinabi ng driver na hindi niya napansin ang biktima at hindi niya rin naramdaman na may pumailalim sa kaniyang sasakyan dahil mabigat umano ang armored van.

Nakita lang umano niya ang pagsenyas ng isang tao sa gas station kaya tumigil siya.

Kinailangan naman na gamitan ng "jack" ang sasakyan para maiangat ito at makuha sa pagkakaipit ang biktima na hindi na nagawang mailigtas ang buhay.

Mahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.--FRJ, GMA Integrated News