{Paalala: Mapanganib ang manghuli ng ahas}. Sa Tampakan, South Cotabato, isang pitong-taong-gulang na lalaki ang sinasabing walang takot sa paghuli ng mga ahas--pati ang mga makamandag na cobra--dahil sa may kakambal umano itong ahas nang isilang. Ang kaniyang dila, may hati rin sa dulo na tila kagaya sa ahas.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Resly Conde, na tatlong taong gulang pa lang noon ang kaniyang anak na si Kevin o Ken, ay naging mahilig na anak sa paghuli ng mga ahas na iniuuwi pa sa bahay para paglaruan.

Pinagsasabihan naman daw niya ang anak sa peligrong posibleng mangyari kapag natuklaw ng ahas.
Pero sadya umanong hindi takot sa ahas ang bata dahil may kakambal siyang ahas nang isilang.

Ayon kay Resly, ipinaglihi rin niya si Ken sa ahas nang minsan mag-uwi ng sawa sa kanilang bahay ang kaniyang asawa.

Pero pinatay daw ng kaniyang mister ang sawa dahil sa pangamba na kainin nito ang alaga nilang mga manok.

Ang katawan ng sawa, hinawak-hawakan daw ni Resly.

"Sinabihan ako ng biyenan ko, 'hala bakit mo hinawakan 'yan. Baka maging katulad ng anak mo,'" sabi daw sa kaniya ng kaniyang biyenan.

Ang sawa, inihaw daw ng kaniyang mister at kasama siya sa mga kumain. Nagustuhan din umano niya ang karne nito.

Sa ilalim ng RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, mahigpit na ipinagbabawal at may kaparusahan ang paghuli at pagkatay ng mga hayop ilang.

Ayon pa kay Resly, nang isilang niya si Ken, may kasama itong lumabas na maliit na ahas na gumapang umano sa sanggol na si Ken.

"Nung pagkapanganak ko sa kaniya, pagkakuha ko sa bata may maliit na ahas. Natakot ako, sumigaw ako, hala may ahas dito,' kuwento niya.

"Mula sa paa hanggang sa ulo (gumapang) parang hinalikan niya yung bata," patuloy ng ginang.

Pinatotohanan naman ng komadrona ang pagkakaroon umano ni Ken ng kakambal na ahas.

Patunay daw nito ang dila ni Ken na tila may hiwa sa dulo na kagaya ng dila ng ahas.

Nang minsan din umanong putulin ang buhok ni Ken, gumalaw daw ang buhok na pinutol na tila ahas.

Kasunod nito ang panghihina ng bata.

Kaya pinayuhan umano sila ng manggagamot na huwag nang putulan ng buhok si Ken.

Hanggang sa makuhanan ng video kamakailan si Ken na nakitang walang takot sa paghuli at paghawak sa ahas na isa palang makamandag na kobra.

Pero habang nilalaro ni Ken ang hindi kalakihang cobra, bigla siyang natuklaw nito sa kamay. Ngunit wala raw kaagad nakaramdam ang bata na epekto ng kamandag.

Katunayan, iniuwi pa ni Ken ang cobra at pinaglaruan.

Ayon kay Resly, kinakausap daw ng kaniyang anak ang ahas na iniuuwi nito. Tila naman nakakaindi umano ang ahas at basta rin lang umaalis.

Ngunit sa nahuling kobra ni Ken, napansin nina Resly na tila naduling ang bata bagaman wala pa rin umano itong nararamdaman na masama sa katawan.

Gayunman, nagpasya sina Resly na dalhin si Ken sa health center para maturukan ng anti-venom. Sa kasamaang-palad, walang anti-venom ang klinika nang sandaling iyon.

Si Ken, nag-aya na lang daw na umuwi dahil hindi naman daw siya mamamatay dahil sa paniwala na may kakambal siyang ahas.

Dinala na nila si Ken sa manggagamot kung saan may ipinahid sa kaniyang ugat ng halaman at pinainom ng lana o langis.

Kinabukasan, tinawagan sila ng health center at sinabing may supply na sila anti-venom kaya ibinalik nila doon si Ken para mabakunahan

Maliban sa namaga ang parte ng kamay na natuklaw ng ahas, maayos ang lagay niya.

Bakit nga kaya tila hindi kaagad tinablan ng kamandag ng cobra si Ken, at bakit may hiwa ang kaniyang dila na tila dila ng ahas? Alamin ang paliwanag ng mga eksperto tungkol dito. Panoorin ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA Integrated News