Hindi ka ba makatulog at labis na nakakabulahaw na ang inyong kapitbahay? Alamin ang payo ng isang abogado kung ano ang dapat gawin kapat inireklamo ang maingay na kapitbahay.

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," isang babae na itinago sa pangalang Celia, ang humingi ng payo tungkol sa kapitbahay niya na isang warehouse o  bodega na napakarami ang alagang mga aso.

Ayon kay Celia, matinding perwisyo ang idinudulot ng mga aso kapag sabay-sabay nang nagtahulan na nagsisimula ng 5:00 am. Nangyayari raw ang ingay ng apat na beses sa isang araw.

Dahil sa ingay ng mga aso, apektado na raw ang kanilang kalusugan dahil hindi sila makatulog o makapagpahinga nang maayos.

Ilang beses na raw nilang kinausap ang naninirahan sa warehouse pero sinasabihan lang sila na aalisin na raw ang mga hayop ngunit hindi naman nangyayari.

Dumulog na rin daw sila sa barangay pero sinabihan silang mas makakabubuti kung magsasagawa sila ng signature campaign laban sa ingay na idinudulot ng mga aso.

Ayon kay Atty. Conrad Leaño, tama ang ginawa ni Celia na kausapin muna ang maingay na kapitbahay para iparating ang kaniyang reklamo.

Pero bukod sa pakikipag-usap, sinabi ni Leaño na dapat sulatan din ni Celia ang warehouse at pasagutin sa sulat. Magagamit daw ang naturang sulat bilang katibayan ng sakaling makarating sa husgado ang problema.

Ayon pa kay Leaño, "nuisance" o maituturing na matinding perwisyo o pang-aabala na idinudulot ng ingay,  at kung nakakaapekto na sa kalusugan ng tao.

Paliwanag ng abogado, mayroong dalawang uri ng "nuisance": ang public at private. Sa public, komunidad ang napeperwisyo, habang indibidwal naman ang private, na maaaring isa, dalawa o mas kaunting tao lang.

Idinagdag ni Leaño, na dapat tugunan ng barangay ang reklamo ni Celia kahit walang signiture campaign, o kahit isa o kakaunti lang ang nagrereklamo.

Babala ng abogado, maaaring ireklamo ang barangay officials na hindi tutugon sa reklamo ng kaniyang nasasakupan.

Pero papaano naman kung sakaling walang mangyari sa barangay ang reklamo laban sa maingay na kapitbahay? Alamin ang payo ni Leaño kapag umabot na sa husgado o korte ang usapan. Panoorin ang buong talakayan sa video. --FRJ, GMA News