Posible nga bang gawing healthy ang mga paboritong pagkain tulad ng pritong liempo, lechon belly, pizza at iba pa? Sa isang karinderya sa Sampaloc, Manila, putok-batok man sa paningin ang kanilang inihahain, healthy naman daw itong kainin. Paanong nangyari?

Sa programang “Pinoy MD”, madalas na ihain sa karinderya ni Renan Rios, o mas kilala sa tawag na Rajendra Das ang mga putaheng tulad ng kaldereta, afritada, dinakdakan, papaitan, tofu curry, lechon belly, fish with black beans, at iba pa.

Pero hindi daw dapat mag-alala ang mga health conscious dahil kahit putok-batok sa paningin ang mga nasabing pagkaing, lahat naman ay vegan.

“Sinasabi nating vegan kapag wala talaga siyang any animal sources. So walang itlog, walang honey, walang butter. So, lahat ng galing sa animal, hindi siya included,” pahayag ni Dr. Sharina So, isang nutritionist.

Kuwento ni Renan, may-ari ng Owner Eat your Greens, nagsimula raw siyang maging vegetarian noong 1994, at mula noon hindi na siya kumakain ng karne.

“Dati akong, sabihin na nating mabisyo… dumating ako sa point na nagsawa na ako eh. Kumbaga sabi ko wala naman nangyayari, wala naman ng dating. Ngayon may kaibigan akong sinama ako sa yoga. And then sa yoga kailangan mo din maging vegetarian, maging flexible ka. So doon ako nag-start maging vegetarian hanggang ngayon,” kuwento niya.

Kaya naman, sinabi ni Renan na lahat ng ingredients sa kaniyang menu ay plant based tulad ng lechon belly.

Imbes kasi na karne ang gamit, ginagamitan raw ni Renan ng mga alternative meat na soya based tulad ng soba pien, soy curls, tofu at kaniyang homemade na "vellychon."

Para magawa ang liempo look ng kaniyang homemade vellychon, gumagamit si Renan ng cassava flour, tubig na tinimplahan ng plant based na sikretong pampalasa at ang soba pien na soya based din.

Una munang tutunawin ang cassava flour sa tubig at kapag na-achieve na ang texture, saka ito isasalin sa isang lagayan. Ani Renan, ito ang magsisilbing taba ng kaniyang alternative liempo.

Sunod naman isinalansan sa mixture ang mga soba pien na nagsisilbi raw laman ng liempo.

“So kailangan na lang natin siyang i-steam ng isang oras… so lalagyan na natin ng balat niya na gawa sa tofu skin at lalagyan ng tanglad,” aniya.

Kalimitan, sinabi ni Renan na piniprito ang vellychon sa mainit coconut oil para mabuo at hindi naghihiwalay.

Dagdag pa niya, mahaba lang ang proseso sa paggawa ng kaniyang homemade vellychon pero halos wala daw itong pinag-iba sa karaniwang liempo.

“Ang tanging exception. Sa pagpiprito is paggamit ng coconut oil. Kasi medium chain triglycerides siya. Meaning to say hindi siya dumadaan sa ating circulatory system. So, ibig sabihin hindi siya nakakataas ng cholesterol,” paliwanag ni Dr. So.

“Although it’s saturated fat na process agad siya ng liver. So hindi siya nag-cause ng obstruction sa ating blood vessels. Hindi siya dadaan sa daluyan natin,” dagdag pa niya.

Pero ano naman kaya ang lasa ng homemade vellychon at ng iba pang vegan na putahe na inihahain ni Renan? Ano-anong mga nutrients ba ang dapat nakokonsumo natin kada pagkain? Tunghayan 'yan sa video ng Pinoy MD. --FRJ, GMA Integrated News