Parang pinana ni Kupido si Buboy Villar na walang kurap sa pagtingin sa bagong Kapuso na si Chanty ng K-pop group na Lapillus nang maging guest runner ang huli sa "Running Man Philippines."

Nang ipakilala na latest episode ng naturang game show si Chanty, kasama ang aktor na si Gabby Eigenmann, ilang beses na binanggit ni Buboy na "ang ganda" ni Chanty.

Agad namang nahalata ng mga co-runner niya sa "Running Man Philippines" na kinilig si Buboy nang makita si Chanty at nangingig pa raw ang mukha ng komedyante nang magpakilala sa K-pop singer.

Hinimatay pa si Buboy nang mag-sample si Chanty ng kaniyang K-pop dance move.

Ayon kay Buboy, ang naturang episode na kasama si Chanty ang kaniyang so far na pinaka-favorite episode.

Willing naman kaya si Chanty na magpahabol kay Buboy sa naturang very competitive games show? Panoorin ang nakatutuwang episode ng "Running Man Philippines." --FRJ, GMA Integrated News