Isang lalaki sa Northampton, England ang nakaranas ng instant karma matapos niyang sipain ang isang community Christmas tree para umano magpasikat sa dalawang babae.

Sa video ng GMA News Feed, makikita sa CCTV video ang paglapit ng dalawang babae sa Christmas tree.

Hinihila nila ito pababa at tila pinipilit sirain nang biglang umeksena ang lalaking nag-flying kick pa.

Pero sa malas niya, tumilapon siya at natumba sa kalsada.

Ang isa sa mga babae, napaupo sa katatawa.

Matapos mamilipit sa sakit ang lalaki sa pagkakaupo, muli sana niyang sisipain ang Christmas tree pero hindi na naman ito tinamaan.

Kaya ang ending, hinila na lang niya ang Christmas lights saka nagpulasan ang grupo.

Ayon sa ulat, ang Christmas tree ay inilagay ng isang negosyante sa labas ng kanyang vape shop.

Hindi raw kasi ramdam ang Pasko roon dahil madilim ang kanilang lokasyon.

“When I saw what the youths did, it left me feeling deflated and sad and thinking what’s the point of doing something like that again,” ani Ryan Michlig, may-ari ng Christmas tree.

“It’s not for me; we just try and create a nice welcoming place for everyone,” diin pa ni Michlig.

Mabilis namang nag-viral ang video kaya may mga dumayo raw sa lugar para ayusin ang Christmas tree at maglagay ng mas marami pang dekorasyon.

Samantala, huling-huli rin sa video ang pagnanakaw ng isang babae sa mga parcel na iniwan sa harap ng isang bahay.

Ang items na kanyang tinangay ay para sa dalawang batang nakatira sa bahay at isa sa kanila ay hearing-impaired.

“Everybody’s struggling. I am making those pounds stretch as far as I can and I would never dream of stealing from somebody else,” ayon sa may-ari ng parcel na si Victoria Bees.

“She has basically stolen my children’s Christmas, she’s the ultimate grinch,” giit pa niya.

Pinaghahanap na ng mga pulis ang babae, ayon pa sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News