Matapos paiyakin ni Sphencer Reyes ang kaniyang mga magulang sa sorpresa niyang pag-uwi sa Pilipinas, ang hindi alam ng dating miyembro ng Streetboys, may inihanda ring sorpresa sa kaniya ang dating ka-loveteam na si Ice Seguerra.

Sa video para sa special series na "Pinoy Christmas in Our Hearts," halos hindi mapatid ang pagluha ng ina ni Sphencer dahil sa tuwa nang makita siya.

Kunwari munang nangangaroling si Sphencer sa labas ng kanilang bahay. Nang makilala ng ginang ang anak, mahigpit na nagyakapan ang mag-ina na muli nilang nagawa makaraang ang pitong taon.

Naninirahan na ngayon sa UK si Sphencer kasama ang sarili niyang pamilya.

Nagtatrabaho siya roon bilang bus driver, malayong-malayo sa pagiging artista niya noon sa Pilipinas.

Pag-amin ni Sphencer, hindi siya nagkaroon ng sapat na panahon para maka-bonding ang kaniyang ama't ina noong nagtatrabaho siya sa Pilipinas bilang celebrity.

"Wala akong time sa kanila noon. Dumating man ako sa bahay sasabihin sa akin, 'kumain ka na?' Opo, pahinga na 'ko 'nay kasi pagod po ako. Ki-kiss lang ako, 'nay alis na po ako. Ganun lang, puro ganun lang, wala akong time na ano...bonding," naluluhang kuwento ni Sphencer, na isa lang ang kapatid.

Ikinuwento rin ni Sphencer na walang karoling sa bansa na kinaroroonan niya dahil puwede kang ipapulis kapag maingay.

Kaya naman ibang-iba raw talaga ang Pasko sa Pilipinas.

Masayang biro ng ina ni Sphencer nang makita ang kaniyang anak, "Kanina niyo po pinaiiyak nang pinaiiyak."

Pero kung sinorpresa ni Sphencer ang kaniyang mga magulang, si Sphencer naman ang nasorpresa nang makita niya sa isang pasyalan ang dati niyang ka-love team na si Ice Seguerra.

Habang namamasyal, kinantahan ng Mandaluyong Children's Choir si Sphencer. Ang hindi niya alam, nasa likod nito si Ice.

Nang lumabas si Ice, mahigpit na nagyakap ang dalawa. At sa pagkakataong ito, si Sphencer naman ang naluha.

"Nakita ko family ko, nakita kita, parang bumalik yung mga nangyari nung 90s," sabi ni Sphencer kay Ice.

Ayon kay Sphencer, ginive-up ang lahat nang umalis siya ng Pilipinas para sa kaniyang pamilya.

Ang bunso niya, 23-anyos na ngayon, na ikinagulat ni Ice.

"23? Tumatanda na tayo brod," sambit ni Ice kay Sphencer.

Sinabi ni Ice na kaagad siyang nag-yes nang malaman ang sorpresang gagawin para kay Sphencer.

"I'm happy you're back," sabi ni Ice kay Sphencer.

Matapos na makasama si Ice, si Herlene "Hipon Girl" Budol naman makakasama ni Sphencer sa isang bus para mag-prank ng mga pasahero.

Panoorin ang masaya at nakaka-touch na episode na ito ng "Pinoy Christmas in Our Hearts",  na kuwento ng ilang OFW na natupad ang hiling na makauwi ng Pilipinas ngayong Pasko. --FRJ, GMA Integrated News