Ikinuwento ni billiards legend Efren "Bata" Reyes ang panahong naka-bonding niya ang kaniyang "pakner" na si Fernando Poe Jr. Katulad nang turuan niya itong magbilyar, habang siya naman ang tinuruan ni "Da King" na umarte.

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ni Efren na nagte-taping si FPJ noon sa lugar na kinaroroon nila para sa isang pelikula. Dito niya ito tinuruan na magbilyar.

"Nagpunta doon sa pinsan namin sa bilyaran kung saan ako naglalaro. Nag-shooting sila roon. Ngayon, may pinalaro kami, parang extra," ani Efren.

"Noong nagpaturo siya, tinatanong kung paano niya titirahin ito. Oh 'di tinuruan ko," patuloy niya.

Ayon pa kay Efren, ayaw ni FPJ ng ka-double sa eksenang siya ang titira sa bilyar. At madali umanong matuto ang hari ng pelikulang Filipino.

"Natural din siya, siya ang titira," saad niya.

Sabi pa ni Efren, nagdesisyon na raw noon si FPJ na tumigil sa paggawa ng mga pelikulang may kasamang bilyar, pero napapayag siya na siya ang magtuturo.

"Noong kinuha ako... Sabi ko ako na ang magtuturo sa kaniya kung paano gagawin. Lahat ng tinira niya sa pelikula siya ang tumira noon pero hindi [talaga]siya marunong," sabi pa ni Efren.

Matatandaang nagkasama sina Efren at FPJ sa pelikulang "Pakners" noong 2003.

"Nahihiya nga ako sa kaniya, ninenerbyos ako sa kaniya dahil kasama ko siya, baka magkamali," pagbabahagi ni Efren.

"Nu'ng nagsu-shooting nga kami nakakulong kami, nagpapaturo ako sa kaniya [na umarte] eh dahil hindi ako sanay dito," pagpapatuloy ng The Magician.

Pero lumakas daw ang loob niya sa simpleng payo na rin ni FPJ.

"Sabi kong ganu'n, eh basta sinabi niya natural lang. Lumakas nang konti ang loob ko lalo na pagka nagsu-shooting kami dahil sinabi niya na natural lang."--FRJ, GMA Integrated News