Parang bumalik daw sa kaniyang pagkabata ang Kapuso comedy genius na si Michael V nang mapanood ang higit limang minutong mega trailer ng inaabangang "Voltes V Legacy."

Sa Facebook, nag-post ng ilang screenshot mula sa trailer at nilagyan ito ng mga caption si Michael V o Bitoy.

"First time akong naiyak habang nanonood ng cartoon. This shot says it all! Nagbara lalamunan ko ng slight!," sabi ni Bitoy sa caption ng larawan ng robot na Voltes V.

"Arrival shot… GOOSEBUMPS!," saad pa niya ng komedyanteng maituturing number 1 fan ng Voltes V.

Sa isang mahabang caption, sinabi ni Michael V na parang nagbalik siya sa kaniyang pagkabata nang mapanood ang mega trailer at kinilabutan siya sa ganda nito.

"You made me travel back to my childhood and relive a feeling that has long been waiting to be rekindled. I’m looking forward to that feeling in every episode," ani Bitoy.

"This is my childhood coming to reality!," patuloy niya.

Deklara ni Bitoy, "solb" siya sa trailer kahit may ilang comment siyang nabasa mula sa mga "nagpapa-cool at naggagaling-galingang mga ignoranteng bashers."

"I know, nag-express na ‘ko ng excitement ko sa previous post ko pero this trailer got me more excited than ever! Nabasa ko rin ‘yung mga comments n’yo and I’m glad na maraming nag-a-agree especially ‘yung TOTOONG FANS ng V5," sabi ni Bitoy.

"Pero s’yempre hindi mawawala ‘yung mga nagpapa-cool at naggagaling-galingang mga ignoranteng bashers. Kung hindi talaga kayo fan, wala nang magpapasaya sa inyo kahit sino at kahit kailan," ayon pa sa aktor.

Pinuri ni Bitoy ang direktor ng Voltes V na si Mark Reyes, ang cast, animators at lahat ng kasama sa produksyon nito.

"To all the fans and the bashers, this show is for you! Wala kahit isa sa inyo ang puwedeng magnakaw ng saya na naramdaman ko nu’ng napanood ko ‘to," ayon kay Michael V. --FRJ, GMA Integrated News