"You are evil!"  Ito ang sinabi ng isang pasahero sa taxi driver na kaniyang nasakyan sa England makaraang tila "hinostage" ang alaga niyang pusa dahil hindi siya makapagbayad ng pamasahe.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing umiiyak at halos lumuhod na ang pasahero sa pagmamakaawa sa drayber.

Paulit-ulit din niyang sinusubukang buksan ang pinto sa likod ng sasakyan habang sumisigaw.

Pero hindi natinag ang taxi drayber at nagmaniobra habang panay naman ang sigaw ng lalaking pasahero.

Hinarangan pa niya ang taxi, hanggang sa muli siyang nagmakaawa.

Ayon sa kumukuha ng video, sinisingil ng drayber ng pamasahe ang pasahero pero hindi raw makapagbayad ang lalaki.

Dahil dito, hinostage ng drayber ang alagang pusa nito sa backseat.

“I got my money, please do not take my cat… please not my cat. He got my cat! Help!,”  sigaw ng pasahero.

“I am not taking it. All I want is my money. Go get the money!” giit naman ng drayber.

Tumagal nang ilang minuto ang sagutan ng dalawa. At nang humagulgol na ang pasahero, inalis ng drayber ang pagkaka-lock ng pinto ng sasakyan.

“Please! I need my pussy cat. You are evil! I will pay you tomorrow. You are evil! You stole my cat… Cab stole my cat!” diin pa ng pasahero.

Sabi ng uploader, nakapagbayad naman kalaunan ang pasahero pero masamang-masama raw ang loob nito sa ginawa ng drayber.

Hindi malinaw kung nagsampa ng pormal na reklamo ang pasahero.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News