Halos 15 segundo na lang ang nalalabi sa kanilang oras pero hindi pa rin maisip ni Christian Vasquez ang pinapahulaang salita na "Vietnam" sa "Pinoy Henyo." Sa kabila ito ng patuloy na pagsasayaw ng "Eat Bulaga" dabarkads sa viral dance song na "Ting Ting Tang Tang Tang."

Partner ni Christian na sumalang sa Pinoy Henyo at tagabigay ng clue si Gil Cuerva, na co-star niya sa upcoming GMA series na "Underage," na pangungunahan nina Lexi Gonzales, Hailey Mendes at Elijah Alejo.

Sa elimination round, mayroong dalawang minuto sina Christian at Gil para masagot ang pinapahulaang salita na "Vietnam," at may katumbas na P25,000 na premyo.

Sa tatlong pares na kalahok, sina Christian at Gil ang huling sumalang. Bawas pressure na sa kanila kung tutuusin na hindi nakasagot ang naunang dalawang pares na sina Kris Lawrence at driver nito, at si JayR na katandem ang kaniyang personal assistant.

Inakalang madaling masasagot ni Christian salitang "Vietnam" nang makuha niya agad ang clue na "lugar sa bansa na nasa Asya" sa loob lang ng 25 segundo.

Pero madaling naubusan ng mga bansa sa Asya si Christian na nagpaulit-ulit lang sa China, Taiwan, Taipe, Japan.

Dito na nagsimulang sumayaw ang mga dabarkads sa pangunguna ni Joey De Leon ng hit Tiktok dance ngayon na "Ting Ting Tang Tang Tang."

Kasabay nito, nadagdagan na rin ng mga bansang nabanggit si Christian na Singapore at Malaysia pero hindi pa rin pumapasok sa isip niya ang Vietnam kahit walang tigil sa kakasayaw si Joey.

Halos 15 segundo na lang ang natitira nang biglang banggitin ni Christian ang Vietnam, at nagulat siya nang malaman na iyon ang tamang sagot.

"Kanina pa ko sayaw nang sayaw, galing sa Vietnam \yan," patungkol ni Joey sa "Ting Ting Tang Tang Tang" song, na masaya ring sinayaw na nina Gil at Christian sa tuwa.

Dahil sa nasagot nila ang pinapahulaang salita sa elimination round, sina Gil at Christian ang sumalang sa jackpot round. Suwertehin pa rin kaya ang dalawa at manalo ng karagdagang P50,000? Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News