Kakaiba ang nangyaring kasalan sa Aurora dahil sa halip na tao, mannequin ang kapartner ng groom. Ang dahilan, bigla palang nanganak si misis.

Sa ulat ni Nico Waje sa GTV "State of the Nation" nitong Lunes, makikita sa video na kompleto ang entourage, maayos ang venue ng kasal at bongga ang handaan na ginanap na kasal sa Dipaculao, Aurora.

Makikita na isinuot sa mannequin ang wedding gown na gagamitin sana ng bride na nasa ospital dahil bigla siyang nanganak.

Hindi na raw puwedeng ikansela ang kasal dahil ready na ang lahat at malaki na rin ang nagastos, ayon sa groom na si Jericho Sabado.

"Sayang din po yung nakatay. Sinabi ng pastor na tatawagan ko lang po yung misis ko sa ospital o kaya ibi-video call," kuwento ng groom.

Nakausap naman sa araw ng kasal sa pamamagitan ng cellphone si misis.

Kahit medyo malungkot, masaya na rin si Jericho na maayos na nakapangak ang kaniyang misis at malusog ang kanilang baby.--FRJ, GMA Integrated News