Inihayag ni Alden Richards na "mingling" at "very available" ang kaniyang status bilang isang single, at wala rin siyang dini-date sa ngayon.

Sa pagsalang niya sa Fast Talk sa "Fast Talk with Boy Abunda," sumagot si Alden na huli siyang nakipag-date noong nakaraang taon, pero tila hindi rito kumbinsido si Tito Boy.

"Kasi sinabi mo kanina the last time you dated was a year ago. Hindi ako naniniwala," sabi ni Tito Boy. "Inuulit ko ang katanungan Alden. Yes or no, are you dating somebody now?"

"No po Tito Boy," mariing sagot ni Alden. "Since 'Fast Talk' nasabi ko na lang last year. But it was a very long time ago."

May paglilinaw si Alden tungkol sa pananaw niya sa dating.

"For me kasi ang dating, my very own definition of it is you go out tapos you spend time together. Ngayon po kasi, of course may mga nakaka-text here and there, but I really don't consider it as dating. Maybe more on mingling lang po."

Dito, sinabi ni Alden na "very available" siya ngayon.

"Hindi naman po porket single eh you're not available. I am very available," anang Asia's Multimedia Star.

Sa Fast Talk segment, diretsahang sinagot ni Alden kung ano ang nagpapa-turn on sa kaniya.

"Mabuting puso," sabi niya.

Matagal na raw siyang huling kinilig, at handa siyang isakripisyo ang kaniyang sarili para sa pag-ibig.

"In love ka ba ngayon?" tanong ni Tito Boy.

"No," tugon ni Alden.

Panoorin sa video ang iba pang mga sagot ni Alden sa "Fast Talk."-- FRJ, GMA Integrated News