Naging emosyonal si Alden Richards nang muling mapag-usapan ang yumao niyang ina dahil hindi na niya ito kasama at hindi na napapanood ang kaniyang mga proyekto na matagumpay niyang nagagawa, 

Sa "Fast Talk With Boy Abunda," sinabi ni Tito Boy na hindi pa artista si Alden ay kilala na niya ito. Muntik na nga raw siyang maging manager ni Alden noong 17-anyos pa lang ang aktor.

Binalikan ni Tito Boy ang panahon na ang talagang gusto ni Alden noon ay maging piloto. Pero ang ina ni Alden na si Rosario ang nag-udyok sa kaniya na mag-artista.

Noong 2008, namatay sa sakit na pneumonia ang ina ni Alden.

Nang hingan ni Tito Boy ng mensahe si Alden para sa kaniyang ina, dito naging emosyonal ang aktor.

"Minsan kapag may nagagawa akong mga bagay na successful, ini-imagine ko kung minsan 'yung nanay ko nanonood, 'yung nanay ko kasama ko sa backstage, siya 'yung katabi ko sa upuan. Tapos habang pinapanood namin 'yung mga bagay na ginagawa ko, lagi siyang nasa VIP seat ng mga concert ko or VIP seats ng mga pelikula ko," sabi ni Alden.

"Ang sakit-sakit ma-realize na 'yung taong may gusto noon para sa iyo siya 'yung wala," patuloy niya.

Kaya naman inaalay ni Alden ang lahat ng kaniyang tagumpay para sa kaniyang ina.

"I see to it that all the things that I do I dedicate to my mom. So that, alam ko kapag pagod na ako, kapag ayoko na, masyado na akong... gusto ko na lang umalis sa industriya because of this burnout. We experience burnouts every now and then. You get to ask yourself eh, bakit ka ba nagsimula?," saad niya.

"That's the question I always ask myself. And then ang laking tulong po noon sa akin. Bakit ka nagsimula?" pagpapatuloy ni Alden.

"At ang sagot ay?" tanong ni Tito Boy.

"Because of my mom," tugon ni Alden.--FRJ, GMA Integrated News