Dahil sa dami ng pinagdaanang pagsubok sa buhay at may mga nakaaway pa, ibinahagi ni AiAi delas Alas ang kaniyang natutunan sa buhay katulad sa pakikipagrelasyon.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes," sinabi ni King of Talk na maraming pinagdaanan sa buhay ang aktres.

"Suntukan, hulugan, 'di ba? May sinuntok ka. Sa bubong. Ang daming maganda, the highs and lows of your life. Mabilis lang ano yung pinakaimportanteng leksyon na natutunan mo sa buhay mo," tanong ni Tito Boy.

Tugon ng aktres, "Ang importante una, 'pag dumating yung panahon kasi na 'di ba madalas kunyari kapag masama ang loob mo sa isang tao, nagra-rant ka di ba. Nilalabas mo lahat ng sama ng loob mo."

"Darating yung panahon na hindi mo na mababawi 'yon lalo na ngayon kapag maraming social media...na darating ang panahon na maghihilom lahat ng sugat. Kailangan 'wag na, hangga't maaari kung puwedeng itago niyo na lang, kung puwede namang pagsisihan, kung puwedeng mag-sorry, ganun yung natutunan ko," patuloy niya.

Ginawa rin niyang halimbawa ang karanasan niya sa dati niyang nakarelasyon.

"Hindi naman lahat, pero 'yung mga major na naging relationship ko, na meron akong mga kaagaw, malungkot eh. So mas maganda na solo ka na lang," sabi ni AiAi.

"Kasi para kahit meron kang kasama, malungkot pa rin. Mas maganda 'yung masaya ka kahit mag-isa ka, pero 'yung malungkot ka, dadalawa kayo, 'di ba hindi maganda?" dagdag ng aktres.

Napag-usapan din ang kabilang sa mga napagdaanan ni AiAi ang maging sale lady kung saan na-assign daw siya sa pagbebenta ng tela.

Sa paglipas ng panahon, napagtanto na raw ni AiAi ang dahilan kung bakit siya napili na ilagay sa pagbebente ng tela. Panoorin sa video ang nakatutuwang paliwanag ng aktres.-- FRJ, GMA Integrated News