Sa kabila ng nangyaring hiwalayan nila ni Timothy Tan na ama ng kaniyang mga anak, mahal pa rin kaya ni Sunshine Dizon ang kaniyang dating asawa at naka-move na kaya ang aktres?

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinagot ni Sunshine ang mga tanong tungkol sa hiwalayan nila ni Timothy, at kung mahal pa niya ito.

"To be honest, I think the hanggang ngayon 'di naman mawawala," saad niya. "But it's a different kind of love now. It's a love out of respect that he gave me two beautiful children, and I wouldn't have them if not for him."

Tinanong ni Tito Boy kung napatawad na ba niya ang kaniyang dating mister.

"Oo, kasi nakikita ko kung gaano siya kahusay na ama sa mga anak niya," sabi ni Sunshine. "Hindi, kasi may mga bagay pa rin na, to be honest, I was not able to process the pain when it happened. And I'm just learning to process all the pain right now."

"I'm the type of person who probably can forgive, but I will never, ever forget," patuloy ng aktres.

Ikinuwento rin ni Sunshine ang sitwasyon ng kanilang pagsasama para sa kanilang mga anak.

"Lumuhod ng asawa ko. Mamamatay daw siya na hindi niya kasama 'yung anak niya so pinagbigyan ko," saad ni Sunshine. "I swallowed my pride because I wanted my kids to see that no matter what, nagkamali man ang tatay nila, pamilya pa rin kami."

Ayon kay Sunshine, edad tatlo at apat pa lang noon ang anak nila na sina Anton at Doreen.

Sabi pa ng aktres, pinili niyang ituon ang kaniyang atensyon noon sa trabaho at maka-survive matapos ang pakikipaghiwalay kay Tom. Pero nagsimula raw niyang iproseso ang kaniyang damdamin nang magkaroon ng pandemic.

"Tim was my best friend. He was my confidante. He was my partner. And then, I just woke up one day and he was totally a different person. And that really hurts," aniya.

"I was not able to deal with it properly. Ngayon lang bumabalik lahat na parang, ah, dapat pala di ako nag-refuse ng therapy noon. Dapat pala I dealt with it properly at the time when I had to," patuloy niya.

Noong nakaraang taon, sinabi ni Sunshine na na-diagnosed siya na may post-traumatic stress disorder (PTSD), depression, panic attacks, at abandonment issues.

Pag-amin ng aktres, hanggang tinatanong pa niya ang sarili, "Where... saan ako nagkulang?"

Enero noong 2016, nang maghain si Sunshine ng reklamong Violence Against Women and Children and Concubinage laban kay Timothy, at umano'y third party sa kanilang relasyon. Iniurong niya ang reklamo makatapos ang isang taon.

Nagbabalik-Kapuso si Sunshine para sa upcoming series na "Mga Lihim ni Urduja." —FRJ, GMA Integrated News