Inihayag ni Ruru Madrid na first time niyang naramdaman ang pagkakaroon ng seryosong relationship matapos ang away nila noon ng nobyang si Bianca Umali.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong din ni Tito Boy si Ruru kung totoo ba ang mga usap-usapan noon na muntik na siyang sagasaan ni Bianca sa parking lot ng isang mall matapos silang mag-away.

"No," natatawang sabi ni Ruru.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang maging bisita rin ni Tito Boy sa kaniyang programa si Bianca, at sinabi ng aktres na exaggerated ang kuwento na muntik na niyang sagasaan ang nobyo.

Gayunman, aminado si Bianca na nagkaroon ng eksena sa parking lot, at selos ang pinag-ugatan ng kanilang away.

Inamin din ng aktres na kasunod ng naturang pangyayari, pansamantala silang "naghiwalay" ni Ruru pero nanatiling bukas ang komunikasyon nila sa isa't isa.

Nagbahagi si Ruru ng pinagdaanan niya sa walong buwan na nagkahiwalay sila ni Bianca.

“Siguro noong time na ‘yun medyo bago pa lang po kami. First time ko sigurong maramdaman ‘yung maging seryoso sa isang relationship,” anang binata.

Inilahad ni Ruru na bago maging sila ni Bianca, nasa isip niya na makipag-date sa mga beauty queen o artista para sa kaniyang “ego booster.”

“Before Bianca may times sa sarili ko na, it’s hard, aaminin ko, but naging ganu’n po talaga ako and gusto ko ring maging honest sa inyo, na para akong nakikipag-date sa, for example, sa beauty queen, sa artista so that maipagmamalaki ko," anang aktor.

"May ganoon akong klaseng trait before na feeling ko ego booster siya for me. Na kapag nakipag-date ako sa certain girl na sikat or ano, nakaka-boost siya ng ego ko. But then I realized lalo na noong nakilala ko si Bianca, hindi ‘yun ‘yung mga bagay na dapat pinagmamalaki ko. Ang dapat na ipinagmamalaki ko is ‘yung mga bagay na totoo,” patuloy niya.

Kahit noong pumasok na siya sa relasyon, dala-dala pa rin daw ito ni Ruru.

“Noong time na ‘yun siguro somehow medyo nangangapa pa ko dahil siguro first time kong maging seryoso when it comes to relationship. Siguro sa sarili ko, sinubukan ko na, ‘Kaya ko pa rin bang kumausap ng ibang babae or kaya ko pa rin bang manligaw again?’ Siguro somehow ‘yun ‘yung dati kong sarili, tinitingnan ko ‘yung sarili kung kaya ko pa rin ang mga ganu’ng bagay,” paliwanag niya.

Tinanong ni Tito Boy kung ano ang natutunan ni Ruru mula sa kaniyang karanasan.

"Number one, nakita ko ‘yung worth ni Bianca. Siguro doon pumapasok ‘yung ‘pag wala sa ‘yo, doon mo siya hahanapin. Kapag nandiyan siya sa tabi mo, tini-take for granted mo siya. Pero noong naramdaman ko na wala siya sa akin, doon ko naramdaman na hindi ko kayang wala siya," sabi ni Ruru.

Kaya naman ginawa niya ang lahat para muli silang magkabalikan.

"So I did everything para maging okay ang relationship naming dalawa. Kasi alam ko sa sarili ko na kapag kasama ko siya, I’m at my best. ‘Pag hindi ko siya kasama pakiramdam ko I’m lost. Siya ‘yung nagbibigay ng liwanag, ng daan sa akin, pero nasaktan ko babaeng ‘yun," sabi ni Ruru.

"Sinabi ko sa sarili ko na kahit eight months ako nanligaw sa kaniya ulit, hindi ako mapapagod na sabihin sa kaniya kung gaano ko siya kamahal at kung gaano siya ka-importante sa akin," dagdag niya.--FRJ, GMA Integrated News