Inihayag ni Ruru Madrid na naging sila noon ng dati niyang ka-loveteam na si Gabbi Garcia. Kabilang naman sa mga niligawan sina Barbie Forteza at Yassi Pressman.

“Naging kayo ba ni Gabbi Garcia?” diretsahang tanong ni Tito Boy kay Ruru sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes.

“Yes Tito Boy,” pagkumpirma ni Ruru.

Pero nilinaw ni Ruru na hindi si Bianca Umali ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Gabbi.

Itinanggi rin ni Ruru na siya ang dahilan ng paghihiwalay nina Bianca at Miguel Tanfelix.

Pag-amin ni Ruru, pakiramdam niya noon ay pogi siya kaya niligawan niya ang ilang mga kilalang aktres.

“Aaminin ko. Dati talaga pakiramdam ko sobrang pogi ako. Lalo na noong hindi pa ako artista. ‘Pag nakita mo ako Tito Boy, for sure nakikita mo pala ako when I was 14. I was so thin, sobrang payat ko, iba pa hitsura ko, iba pa ang porma ko. The way akong magsalita iba pa. Pero tingin ko sa sarili ko sobrang pogi ko, like ‘yung confidence level ko like out of this world,” saad ni Ruru.

“Lahat ng mga nakasama ko, for example masalubong ko si Barbie (Forteza)… First time ko siyang makasalubong niligawan ko siya. Niligawan ko si Yassi (Pressman), niligawan ko si Lexi Fernandez,” ayon sa aktor.

“Parang sila, ‘Huh, bakit mo kami nililigawan?’ Ang bata ko pa noon, 14 pa lang,” kuwento ni Ruru.

Pero dahil laging basted, binago ni Ruru ang kaniyang sarili.

“But then I realized, ‘yun ang nagpabago sa akin na lagi akong naba-basted. Tumingin ako sa salamin sabi ko, ‘Ano ba ang problema sa akin?’ Ang ginawa ko Tito Boy doon ako nag-start mag-workout, doon ako nag-start kahit paano magbasa-basa. Inayos ko ‘yung pananamit ko.”

Kahit maraming niligawan, sinabi ni Ruru na isa lang ang kinokonsidera niyang naging girlfriend bago si Bianca, si Gabbi.

“I would consider isa lang naman ‘yung naging girlfriend ko before Bianca, si Gabbi lang talaga."

Edad 16 noon si Ruru habang 15 naman si Gabbi noong maging sila.

“Siguro malaking factor na somehow magkatrabaho kami, love team kami, kailangan lagi kaming makita na sweet sa isa’t isa. Doon namin na-discover na in love kami, nadala kami sa moment.”

“Somehow ako rin personally, hindi pa rin ganoon kalawak ‘yung kaalaman ko when it comes to love,” paliwanag ng aktor.

Very much in love na ngayon si Ruru kay Bianca, habang happy naman si Gabbi sa kaniyang relationship with Khalil Ramos.--FRJ, GMA Integrated News