Tinupad ng isang mag-asawa sa Jordan, Guimaras ang kanilang plano na gawing enggrande at bongga ang unang kaarawan ng kanilang anak.

Sa video ng GMA News Feed, makikita na elegante ang pagkakadisenyo ng pinagdausan ng kaarawan ni baby Adeena Maziken, na aakalain mong magde-debut ang may kaarawan.

Magagara ang dekorasyon, bongga ang mga gown ni baby Adeena, may mga performer, at 5-layer pa ang cake.

Ang naging highlight ng selebrasyon at pinag-usapan ng mga dumalo at nakakita sa social media, ang regalo ng kaniyang mga magulang na P1 milyon, na tig-P1,000 na ginawang kapa.

Ikinabit ang kapa sa gown ni baby Adeena sa gitna ng selebrasyon.

Ayon kay Mommy Rolyn, hindi pa raw siya buntis ay pinag-ipunan na nila ng kaniyang partner ang kanilang magiging anak.

"Ever since nanganak ako, plan ko talaga na luxurious and bongga ang magiging first birthday party niya," anang ginang.

Mensahe ni Mommy Rolyn sa anak, "You know that mommy and daddy loves you so much, everything we will do for you, for your better future. I hope someday, maging tulad ka namin ni daddy mo na generous."

Ilalaan daw ng mga magulang ni Adeena ang perang kanilang naipon para sa kinabukasan ng kanilang anak.

Nais daw nilang maramdaman ni Adeena ang maging prinsesa hindi lang sa kaniyang birthday kundi sa pang araw-araw niyang pamumuhay.--FRJ, GMA Integrated News