Kinumpirma ni Bela Padilla ang relasyon nila ng tech CEO na si Martin Tan. ibinahagi naman ng binata kung papaano sila nagkakilala ng aktres.

Sa isang TikTok video na in-upload ng content creator na si Johnny K., nagbahagi ang magkasintahan ng ilang detalye tungkol sa kanilang relasyon.

Ayon kay Martin, walong buwan na silang magkasintahan matapos silang magkakilala sa pamamagitan ng isang common friend.

Sinabi ni Bela na unang nakakuha ng kaniyang atensyon ang hilig ni Martin sa mga pelikula. Anang aktres, ikinatuwa niya nang magsimula nang magkuwento ang binata tungkol sa mga pelikula.

Ikinatuwa rin ni Bela ang pagiging “game” ni Martin sa lahat ng bagay, tulad ng pagpunta sa pamilihan kahit maaga.

Ginawa ang naturang kuwentuhan sa Legazpi Sunday Market sa Makati.

Si Martin naman, hanga sa talino, ganda at pagiging masayahin ng aktres.

Si Martin ang CEO ng software development company na Tenext.ai, na may tanggapan sa Pilipinas at Singapore.

Nang mapabilang si Bela sa Gen T ng Tatler, sinamahan siya ni Martin sa naturang event at ipinakita rin sa social media ang kaniyang suporta sa aktres.

Ang Swiss-English entrepreneur na si Norman Bay ang huling naging karelasyon ni Bela. Tumagal ng apat na taon ang kanilang pagiging magkasintahan.

Noong Pebrero, nagsalita si Bela tungkol sa kanilang paghihiwalay.— Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News