Namatay ang isang lalaki matapos siyang maputukan ng baril na tinangka niyang agawin  mula sa pulis na umaaresto sa kaniya sa Bacoor City, Cavite.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang CCTV footage habang hinahabol ng pulis ang napatay na suspek.

Habang tumatakbo, naghagis umano ng granada ang suspek na mabuting hindi sumabog.

Isisilbi sana ng pulis ang arrest warrant laban sa suspek na may kinakaharap na kaso tungkol sa ilegal na droga.

Pero nang maabutan siya, nanlaban ang suspek at pilit na inaagaw ang baril ng pulis.

Makikita na nasa ibabaw ng pulis ang suspek. Pero maya-maya lang, bumagsak na ang lalaki matapos na pumutok ang baril at tamaan siya ng bala. -- FRJ, GMA Integrated News