Sinabi nina Ricci Rivero at Leren Mae Bautista na hindi sila apektado sa mga pumupuna sa agwat ng kanilang edad.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, tinanong ni Tito Boy sina Ricci at Leren, kung binibigyan nila ng pansin ang mga kumokontra sa kanilang relasyon dahil sa agwat ng kanilang edad.

“Not so much, Tito Boy,” tugon ni Ricci.

“Hindi rin naman, Tito. Natatawa lang ako minsan. Kasi kapag ‘yung sinasabi nilang tita daw ako ni Ricci, ang sabi ko, ‘Ate lang!,’ natatawang sabi ni Leren.

“Hindi naman tita, ate lang!” pag-ulit pa niya.

Ipagdiriwang ni Ricci ang kaniyang ika-26 na kaarawan sa Mayo, habang kaka-31 lang ni Leren noong Enero 28.

“In terms naman doon sa age gap, feeling ko naman sobrang nagkakaintindihan naman kami with the level of maturity that he has. Sabi ko nga, parang mas mature pa siya sa akin pero ako ‘yung mas matanda,” sabi ni Leren.

Kinumpirma ni Ricci ang relasyon nila ni Leren noong Oktubre 2023 matapos silang mamataang nanonood ng UAAP Basketball game na magkasama. -- FRJ, GMA Integrated News