Kahit certified "Swiftie," nagpasya si Barbie Forteza na huwag manood ng Eras Tour concert ni Taylor Swift sa ibang bansa. Alamin kung bakit.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ipinaliwanag ng Kapuso Primetime Princess na pakiramdam niya para sa sarili ay labis na paggastos kung manonood siya ng concert sa abroad.

“Kasi para sa akin, ito po ay sa akin lamang, I just feel like it is a splurge for me. Sabi ko sa sarili ko, if magpe-perform siya sa dito sa Pilipinas, I will definitely watch it,” ayon kay Barbie.

Ipinaliwanag pa ni Barbie na katatapos lang niyang magpagawa ng bahay.

“But to have to spend for a flight, accommodation, and siyempre to maximize your time to wherever she's performing, parang it’s too much of a splurge, especially I'm coming from just finishing a house," saad ng aktres.

"So, parang kasi if it’s just for that, I'd rather spend it for something else. Feeling ko naman magpe-perform siya ulit soon,” patuloy pa ni Barbie.

Kamakailan lang, naiyak sa tuwa si Barbie nang bigyan siya ng pasalubong ng kaibigan na si Rain Matienzo, na nanood ng Eras tour concert sa Australia.

“Mas dun ako na-touch mas ‘yun ‘yung na-appreciate ko, ‘yung effort talaga ni Rain na pumila. Napakahaba ng pila sa merch talaga and ‘yung friendship bracelet talagang made me feel like I was there,” sabi ni Barbie.

Naging magkasama sina Barbie at Rain sa nakaraang Kapuso series na "Maging Sino Ka Man," kasama si David Licauco.

Kabilang din si Rain sa historical portal fantasy series "Maria Clara at Ibarra," na pinagbidahan din nina Barbie, David, at Dennis Trillo.

Mapapanood naman si Barbie sa upcoming series na “Pulang Araw,” kasama si Alden Richards.—FRJ, GMA Integrated News