Tila itinadhana talaga sa isa't isa ang limang celebrity couples sa Pilipinas na kahit naghiwalay noon, muli silang nagkabalikan, at humantong ang kanilang pagmamahalan sa harap ng altar.

Patunay sila na mayroong second chance pagdating sa pag-ibig, at talagang love is lovelier the second time around.

1. Dennis Trillo at Jennylyn Mercado

Naging magkasintahan noong 2010 sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, pero naghiwalay noong 2011 matapos umanong mag-away.

Sa panahon ng kanilang paghihiwalay, nagkaroon ng kani-kanilang bagong karelasyon ang dalawa, pero nauwi rin sa hiwalayan.

Nagkaroon ng isang anak si Jennylyn kay Patrick Garcia, na si Alex Jazz. Habang si Dennis, nagkaroon ng isang anak sa beauty queen na si Carlene Aguilar, na si Calix.

Nangyari ang second chance para kina Dennis at Jennylyn noon 2014. Noong 2021, naging engaged ang dalawa at kaagad ding nagpakasal.

Mayroon na silang anak ngayon na babae na si Dylan.

“Pareho kami — we never imagined na mangyayari ‘to sa mga buhay namin [na] magkakaroon kami ng happy ending. As in hindi pa ending, parang happy start,” sabi ni Dennis sa nakaraang panayam sa “Updated with Nelson Canlas,” tungkol sa love story nila ni Jennylyn.

 2. Maja Salvador at Rambo Nunez

Edad 21 si Maja Salvador nang una silang magkaroon ng ugnayan ni Rambo Nunez. Pero matapos lang ng apat na buwan, nagkahiwalay ang dalawa para tutukan ang kani-kanilang trabaho at pamilya.

Bagaman walang ex na binabalikan si Maja, nagkabalikan sila ni Rambo noong 2019.  At noong 2023, dalawang beses silang nagpakasal: isa sa Maynila at isa sa Bali, Indonesia.

Nakatakdang isilang ni Maja ngayong taon ang kanilang first baby.

3. Luis Manzano at Jessy Mendiola

Nitong nakaraang buwan nang muling magpakasal sina Luis Manzano at Jessy Mendiola sa Coron. Taong 2021 nang una silang magpakasal sa isang intimate civil ceremony.

Nagsimula ang pagmamahalan ng dalawa noong 2016. Pero Mayo 2020, nagkahiwalay ang dalawa, pero nagkaayos din pagsapit ng Disyembre, at inanunsyo ang kanilang engagement.

May isang anak na ngayon sina Luis at Jessy, na si Isabella Rose.

4. Vin Abrenica at Sophie Albert

Makaraang magkasama sa isang reality show, naging malapit sa isa't isa sina Vin Abrenica at Sophie Albert noong 2013. Pero nang tutukan nila ang kanilang trabaho, naghiwalay ang dalawang noong 2016.

Pagkaraan ng dalawang taon, magkabalikan ang dalawa. Taong 2021 nang maging engaged sina Vin at Sophie, at nagkaroon na ng anak na si Avianna. Pagkaraan muli ng dalawang taon, nagpakasal na si Vin Sophie.

5. Gelli De Belen at Ariel Rivera

Kasal na sa loob ng 25 taon sina Gelli De Belen at Ariel Rivera, na may dalawang anak na sina Joaquin at Julio.

Pero bago sila ikinasal, nagkahiwalay muna sina Gelli at Ariel, at naugnay ang singer-actor kay Regine Velasquez.  

Nang magkabalikan, doon na nagpakasal sina Ariel at Gelli noong 1997. Sa isang panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda," ipinayo ni Gelli para sa long-lasting marriage: "Don't lose yourself." — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News