Itinanggi ni Marc Pingris ang mga espekulasyon na may relasyon sila ni Kim Rodriguez, at nagtaksil siya sa kaniyang asawa na si Danica Sotto.

Sa Facebook post ng basketbolista, sinabi ni Marc na nakasama lang niya sa ilang event patungkol sa basketball si Kim.

"Walang katotohanan ang mga lumalabas na balita tungkol sa amin ni Ms. Kim Rodriguez. Walang namamagitan sa aming dalawa gaya ng sinasabi ng ibang tao," saad ni Marc sa post. "Nakasama ko po si Ms. Kim sa isang basketball event at sa isa pang event noong naging muse siya ng team namin."

Nag-ugat ang intriga na may relasyon sina Marc at Kim nang mag-post sa social media ang dalawa ng magkahiwalay na larawan nila na nasa likod ang Sydney Opera House sa Australia.

 

 

Pero lumitaw na bago pa lang ang post ni Kim, habang noong Pebrero pa ang post ni Marc.

Nagpasalamat naman si Marc sa mga nagpakita ng malasakit sa kanilang pamilya ni Danica, at tiniyak niya na maaayos ang kanilang samahan.

"Salamat din sa nag pa abot ng concern. Ok kami ng pamilya ko. Wag na po tayo magpakalat ng mga balita na hindi totoo. Humihingi po kami ng respeto para hindi madamay ang mga anak namin ni Danica. Salamat po at God bless po," pakiusap niya.

Ngayon buwan lang, ipinagdiwang nina Marc at Danica ang kanilang ika-17 taong wedding anniversary.-- FRJ, GMA Integrated News