Parang eksena sa pelikula ang nangyari sa isang aso na umangat sa labas ng elevator nang maipit ang kaniyang tali sa pinto habang nasa labas pa siya.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ipinakita ang CCTV footage sa nangyaring insidente sa isang gusali sa Russia.

Sa video footage, makikita na isang tao ang dumating kasama ang kaniyang alagang aso. Nang bumukas ang pinto ng elevator, pumasok na ang tao at sumunod naman ang aso.

Pero biglang lumabas ang aso at naglakad palayo mula sa pinto. Ilang saglit lang, natigilan na ang aso, at napaatras.

Naipit na pala ang kaniyang tali nang magsara na ang pinto ng elevator. At nang umangat na ang elevator, umangat na rin ang aso at nagpupumiglas habang nasa itaas.

Mabuti na lang at nakita pala ng isang staff sa gusali mula sa CCTV camera ang insidente. Mabilis niyang pinuntahan ang aso at inalis sa pagkakaipit.

Ayon sa furparent, hindi niya namalayan na lumabas pala ng elevator ang kaniyang alaga.

Ligtas naman ang aso at walang nangyaring pinsala na tinamo mula sa pagkakaipit at halos mabigti sa elevator.--FRJ, GMA Integrated News