Inilipat ng puwesto ng US military ang kanilang Typhon missile launcher na dating nasa Laoag airfield sa Pilipinas. Ang naturang missle launcher, kayang magpakawala ng mga multi-purpose missile na kayang umabot sa China at Russia.
Sa ulat ng Reuters, galing umano sa isang senior Philippine government source ang impormasyon tungkol sa ginawang paglilipat ng missile launcher.
Ayon pa sa ulat, ang Tomahawk cruise missiles na ilalagay sa launcher ay kayang tumama sa target na nasa China o Russia mula sa Pilipinas. Habang SM-6 missiles ay kayang tumama sa air or sea targets kahit sa layo na mahigit 200 kilometro (165 miles).
Batay umano sa impormasyon ng source na mula sa gobyerno ng Pilipinas, ginawa ang paglilipat para malaman kung gaano kabilis ang paglilipat ng missile battery sa bagong firing position. Paraan umano ito upang matiyak na magiging ligtas ang naturang armas kung magkakaroon ng kaguluhan.
Nakita sa mga satellite images na isinakay sa C-17 transport aircraft sa Laoag International Airport nitong mga nakaraang linggo ang mga battery at mga kaugnay na kagamitan, ayon kay Jeffrey Lewis ng Middlebury Institute of International Studies.
Inalis din ang mga puting canopy na ipinangtakip sa Typhon equipment, ayon sa mga larawan na nakita ng Reuters at hindi pa nai-report noon.
Ang Typhon system ay bahagi ng inisyatiba ng US na maglagay ng iba't ibang anti-ship weapons sa Asya.
Sinabi sa Reuters ng Indo-Pacific Command (INDOPACOM), na nangangasiwa sa mga puwersa ng US sa rehiyon, na inilipat ang Typhons "sa loob ng Pilipinas."
Parehong tumanggi ang INDOPACOM at ang gobyerno ng Pilipinas na ibigay ang tiyak na lokasyon kung saang lugar inilipat ang Typhons.
"The US government has coordinated closely with the Philippine government on every aspect of the MRC deployment, including the location," sabi ni Commander Matthew Comer ng INDOPACOM, patungkol sa Typhon na dating tinatawag na Mid Range Capability.
Idinagdag niya na ang paglilipat ay hindi nangangahulugang permanenteng mananatili ang Typhons sa Pilipinas.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Philippine Army na si Colonel Louie Dema-ala sa GMA News Online, na wala pa silang impormasyon tungkol sa ginawang paglilipat.
Gayunpaman, kinumpirma niya na gagamitin ang missile system para sa mga nalalapit na pagsasanay kasama ang tropa ng Amerika.
“There will be trainings to be conducted utilizing the [Mid-Range Capability missile system] as part of the subject matter expert exchanges in preparation for the SALAKNIB,” saad ng opisyal sa ipinadalang mensahe GMA News Online.
“This is between the Army Artillery Regiment and the [1st Multi-Domain Task Force], [United States Army Pacific],” dagdag niya.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang pahayag ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines tungkol sa naturang usapin.
Noong nakaraang taon, inalmahan ng China at Russia ang pagdadala ng US sa Pilipinas ng naturang armas na ginamit sa tropa ng mga Pinoy at US sa military training exercise. -- mula sa ulat ng Reuters/Joviland Rita/FRJ,GMA Integrated News