Hindi na lang mga inuming pampalamig ang puwedeng panlaban sa init, dahil mabibili na rin ang isang cooling powder na proudly produktong Pinoy.Sa nakaraang episode ng "Pera Paraan," itinampok ang cooling powder na KÜCHI KUCHi ng 70-anyos na si Charles Dy.Mentholated o may sangkap na nakapagpapalamig ang nililikhang powder ni Dy sa kaniyang pabrika sa Marilao, Bulacan. Kaya naman mayroon itong instant cooling effect para sa maalinsangan na panahon.Maaari itong gamitin kahit ng mga walang bungang araw."Iilan lang ang mga produkto na para roon sa bungang araw. Siyempre tag-init. Kailangan may cooling effect, kaya nilagyan namin ng cooling effect," sabi ni Dy.Sa isang malaking mixer, pinaghahalo ang mga sangkap na talc, cornstarch, at menthol, bago ilalagay sa container.Noong nakaraang taon lang inilabas ni Dy ang kaniyang produkto, na unang locally produced na cooling powder sa bansa.Mayroon na silang distributors sa mga probinsya na matatagpuan sa mga chain store, supermarket at mga malalaking mga butika.Bago nito, wholesaler ng mga pharmaceutical products ang negosyo ng kaniyang pamilya noon sa Divisoria. Kaya namulat na si Dy noong bata pa lang sa pagiging bodegero o tagapangalaga ng kaayusan at kalinisan ng warehouse.Gayunman, humina ang wholesale business kaya naisipan ni Dy na maging distributor. Naging hamon din ito dahil wala siyang kontrol sa mga produktong kaniyang ibinibenta.Taong 2003 nang maging manufacturer si Dy ng sarili niyang produkto para sa mga alagang hayop."Ang nakita namin, ang liit ng industriya niya, kakaunti lang talaga 'yung mga pet product na makikita mo sa industriya. Kaysa gumawa ako ng sabon na pangtao, ang daming kalaban. Actually, 'yung pet product talaga namin ang pinaka-bread and butter na so far," saad niya.Bagong dagdag na produkto niya na lamang ang cooling powder.Tungkol naman sa pangalan ng kaniyang cooling powder na KÜCHI KUCHi, hango ito sa pangingiliti sa katawan ng tao.Ngayong manufacturer na siya, mayroon siyang 20 hanggang 30 porsyentong profit margin bawat bote, kumpara sa pagiging distributor na 10 porsyento lamang.May mahigit 400 empleyado na rin siya ngayon."Sa laki ng negosyo, mas malaki ang responsibility mo. Kung isang pagkakamali, lahat 'yan, domino 'yan. Puwedeng bumagksak. Hindi puwede makampante," sabi niya."May tsamba talaga minsan. Pero 'yung tsamba na negosyo, hindi nagla-last 'yun. Kasi hindi mo rin na-experience na nagkamali ka, nalugi ka. So kailangan minsan, matalo ka rin minsan," dagdag ni Dy.-- FRJ, GMA Integrated News