Limang bagong housemates ang pumasok sa Bahay ni Kuya sa “Pinoy Big Brother: Collab Edition 3.0.”

Sa episode nitong Linggo, dalawang Kapuso at tatlong Kapamilya housemates ang mga bagong masusubaybayan ng mga manonood sa Bahay ni Kuya.

Ang mga bagong Kapuso housemate ay sina Lexi Gonzales, ang Fierce Princess ng Cavite, at Yza Uy, ang Determined Chinitachiever ng Quezon City.

Samantala, ang mga bagong Kapamilya housemate naman ay sina Eugene Reggio, ang Driven K-Brit Model ng UK; Victoria Vargas, ang Fashionate Daughter ng Quezon City; at Race Matias, ang Willful Brother ng Muntinlupa.

Dahil dito, umabot na sa 20 ang mga housemate sa loob ng Bahay ni Kuya.

Pumasok ang mga bagong housemate matapos ma-evict sina Nicole Fortuna at Cianne Dominguez noong Sabado ng gabi, Nobyembre 21.

Lumabas din ng bahay si Robbie Jaworski na napag-alaman na isang celebrity houseguest.

Gaya ng inanunsyo ng mga host na sina Gabbi Garcia at Bianca Gonzalez, wala ring nomination night ngayong linggo upang magkaroon ng pagkakataon ang mga housemate na mas makilala ang isa't isa.

Napapanood ang “Pinoy Big Brother: Collab Edition 3.0.” sa GMA Network mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 9:35 p.m., tuwing Sabado sa ganap na 6:15 p.m., at tuwing Linggo sa ganap na 4:55 p.m. — FRJ GMA News