Nadatnang binalatan at pinagpuputol ang ilang kable ng mga gamit sa Kanlaon Volcano Network Observation Station sa Bago, Negros Occidental.

Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol na sinira ang mga kable ng scanning instruments at GPS equipment.

Winasak din ang ilang solar panel at may mga vandal sa iba pang gamit.

Dahil dito, pahirapan ang monitoring at pag-transmit ng data mula sa Kanlaon Volcano Observatory sa La Carlota City.

May kamahalan ang mga apektadong kable at gamit pahirapan itong palitan.

Inilahad ng PHIVOLCS na naayos naman na sa kasalukuyan ang mga gamit.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang salarin. —Jamil Santos/VBL GMA News