Naging bangungunot ang pangarap ng isang lalaki na mula sa Quezon na makarating at makapagtrabaho sa Maynila nang maloko siya ng taong nag-alok sa kaniya na dadalhin sa Maynila para magtrabaho.
Sa For You Page ng GMA Public Affairs, ipinakita ang video na kuha ng nagmalasakit sa biktimang si Eduarlito Ramento De Gala, na nakitang tuliro at halos maiyak na sa kaniyang sitwasyon mula nang iwan ng taong nagdala sa kaniya sa Maynila.
Kuwento ni De Gala, isang kabarangay niya sa Quezon ang nag-alok ng trabaho sa kaniya sa Maynila.
Dahil sa hangarin na kumita, naglakas-loob siyang subukan ang job hiring umano bilang construction worker sa Pasig City, at sumama sa kaniyang kabarangay.
May tatlo pa raw na kasama si De Gala na lumuwas ng Maynila, at na-recruit din ng kaniyang kabarangay.
Pero pagdarating nila sa Maynila, naglaho na ang kanilang recruiter matapos na kunin ang natitira nilang pera na pamasahe sana nila pag-uwi.
"Kinuha 'yung natitira naming pera. May natira kaming tig-P1,500 po eh, dapat pangbiyahe namin pabalik, ibinigay naman po namin," ani De Gala.
Nagtungo sila ng isa niyang kasama sa police station at nakiusap kung maaari silang manatili roon habang hinihintay ang nagdala sa kanila sa Maynila pero hindi na talaga nagpakita ang nag-recruit sa kanila.
Nagpalakad-lakad si De Gala at nanlimos para may pangkain at pamasahe pauwi ng probinsiya.
Sa kabutihang palad, nagbayanihan ang mga pasahero ng isang bus station para sa kaniyang pamasahe pag-uwi.
"First impression hindi natin siya kilala. Habang ini-interview namin siya, nagkuwento siya na na-recruit daw siya. Nag-iyak-iyak siya, nakita namin, talagang naantig kami. Sabi namin, 'Sama ka na lang sa amin, ihatid ka namin,'" ayon kay Mary Jane Almodiel, isa sa mga tumulong kay De Gala.
"Apat sila actually, tapos 'yang tatlo. Naghiwa-hiwalay na sila, sabi niyang ganoon. Tapos siya na lang ang naiwan, gusto na lang niyang umuwi kaysa naman wala siyang trabaho, wala siyang makain, gutom na gutom siya," sabi pa ni Almodiel.
"Nagvi-video na ako noon sa kaniya kasi awang-awa na kami. Exhausted siya eh, alam mo talaga na pagod na pagod siya. 'Yun pala naglalakad-lakad pala siya kaya siguro siya pagod," patuloy ni Almodiel.
Dahil sa kanilang pag-aambagan, nakalikom sina Almodiel ng sapat na halaga para makauwi si De Gala.
Sa kasalukuyan, ligtas nang nakauwi sa probinsiya si De Gala.
"First time ko lang na makarating ng Maynila, mahirap. Hindi na ho mauulit na pumunta ng Maynila. Mahirap 'pag malayo, hindi mo gamay ang lusot-lusot ng Maynila," sabi ni De Gala.
Isinumbong din niya ang ginawa sa kanila ng kaniyang kabarangay ngunit hindi na ito nagpakita kahit ipinatawag sa kanilang barangay. Gayunman, naka-blotter na ang nangyari sa kanila. -- FRJ, GMA Integrated News