Dalawa ang sugatan matapos dumausdos at tumusok sa windshield ng isang kotse ang ilang bakal na karga ng isang truck sa Antalya, Turkiye.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Martes, makikita sa CCTV footage na parehong patawid sa isang intersection ang kotse at ang truck na may kargang mga bakal o steel rod.

Pero parehong napahinto ang dalawang sasakyan nang mag-abot sila sa intersection.

Dahil sa biglang pagpreno ng truck, dumausdos sa kaniyang harapan ang mga kargang bakal at bumagsak ang ilang bakal sa windshield ng kotse.

Napatakbo ang ilang motorsita para tulungan ang nasa kotse.

Dalawa ang nasugatan sa naturang insidente pero maayos na ang kanilang kalagayan, ayon sa ulat. – FRJGMA Integrated News