Iba’t ibang masaklap na kuwento ang bitbit ng libu-libong Pilipino na umuuwi sa bansa mula sa Middle East sa tulong ng repatriation program ng gobyerno. Ang isang Overseas Filipino Workers (OFW) mula sa Kuwait, labis ang pasasalamat sa naturang programa dahil sa gitna ng kalungkutan, masisilayan pa niya sa huling pagkakataon ang mga labi ng namayapa niyang ina.
Sa isang pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkoles, sinabing mahigit tatlong taon nang hindi nakakauwi ng Pilipinas si Emily Picatoste, isang domestic worker sa Kuwait.
Nakatakda sana siyang magbakasyon sa Pilipinas pagkatapos sana ng Ramadan ngunit nagkaroon ng aberya nang sumiklab ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Ayon pa sa DMW, nagtungo sa Embahada ng Pilipinas si Picatoste noong Abril 6 upang mapasama sa repatriation program ng pamahalaan.
Ngunit dalawang araw makaraan nito, Abril 8, biglang sumama ang pakiramdam ng kaniyang ina sa Pilipinas at binawian ng buhay.
Sa gitna ng matinding pagdadalamhati, muli umanong nakipag-ugnayan si Picatoste sa Embahada upang hilingin na mas maaga sana siyang makauwi sa paraan ng repatriation ng gobyerno dahil na rin sa nangyari sa kaniyang ina.
“Sa pakikipagtulungan ng Embahada, Migrant Workers Office, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), mabilis na naproseso ang kaniyang hiling. Noong Abril 12 natanggap niya ang kumpirmasyon na makakasama siya sa flight pauwi sa Pilipinas,” ayon sa pahayag ng DMW.
Nagdadalamhati man, labis ang pasasalamat umano ni Picatoste sa tulong ng pamahalaan upang mapaaga ang kaniyang pagbabalik sa bansa.
“Maraming salamat po sa tulong ninyo. Kung wala po ito, baka hindi ako makarating para makita ang aking ina sa huling pagkakataon,” saad ni Picatoste sa pahayag ng DMW.
Kabilang si Picatoste sa mahigit 360 Pinoy na galing sa Middle East na nakauwi sa bansa kaninang umaga, April 15, 2026, na galing sa Kuwait. Mula sa Pasay City, tutulungan din ng OWWA ang OFW upang makauwi sa kaniyang lalawigan sa Mindanao.
Kasama ring nakabalik sa bansa kaninang umaga ang mga labi 20 OFWs na pumanaw sa “natural causes” sa Middle East. –FRJ GMA Integrated News

