Nagulantang ang isang lalaki matapos na may pumasok na Balintong o Palawan pangolin sa kanilang bahay sa Mendez-Nuñez, Cavite. Saan kaya ito nanggaling at maibalik pa kaya siya sa natural niyang tirahan sa gubat? Alamin.

Sa nakaraang episode ng I Juander, ikinuwento ni Freddie Manalo na nakarinig siya ng mga tahol ng aso sa labas kahit wala namang tao. Kaya inakala niya na baka ahas ang tinatahulan ng mga aso.

Pagkabukas niya ng pinto, nagulat siya nang bumungad sa kaniya ang isang kakaibang hayop na pumasok na sa kanilang pinto. Agad niyang tinawag ang kaniyang asawa.

Endemic at endangered na sa Palawan ang Pangolin o Balintong, na kaisa-isahang mammal na may kaliskis na siyang nagsisilbing proteksiyon. Kapag nakaramdam ito ng peligro, bumabalentong ang katawan ng Pangolin at bumibilog na mistulang bola.

Mailap din ang Balintong sa mga tao, na kumakain ng mga langgam at anay.

Sinabi ng International Fund of Animal Welfare na Pangolin ang pinakamadalas na biktima ng panghuhuli para ibenta dahil sa paniniwalang mabisang gamot ang kaliskis nito.

Palaisipan naman kung paano napunta sa Cavite ang isang Balintong gayung sa Palawan ito natatagpuan.

Setyembre 2 nang makatanggap ng tawag ang Municipal Environment and Natural Resources Office o MENRO ng Mendez-Nuñez tungkol sa palaboy na Balintong.

“Pinakita sa akin 'yung video at nakikita ko rin nga na bihira. Wala kami 'yung hayop na makikita dito sa Mendez. Naisip ko lang, parang siyang anteater, kahit 'yung si Sir Freddie na nakahuli, ngayon din lang siya nakakita ng gano'ng klaseng hayop sa Mendez,” sabi ni Amir Ambagan, Municipal Environment and Natural Resources Officer ng Mendez-Nuñez.

Kaagad na tinawag ni Ambagan ang MENRO para i-report at matulungan na masagip ang palaboy na Balintong.

Si Freddie, nagpasiyang hulihin ito upang iligtas sa kapahamakan.

“Hindi ko naman kasi alam na Pangolin agad ‘yun eh. Siyempre, sino ba naman magugulat kapag gano'ng hayop? Hindi mo naman kilala eh. Kaya tumakbo ako sa loob ng kuwarto, ginising ko 'yung wife ko bago kumuha ako ng batsa, bago ‘yun ang pinanghuli ko sa Pangolin,” kuwento niya.

Gayunman, hindi niya nakiyang agresibo ang Balintong kaya hinayaan na niya ito sa kanilang sahig.

Isinuko niya ang Pangolin sa MENRO ng Mendez-Nuñez at sunod na ipinadala sa DENR.

Mabuhay pa kaya ang Pangolin na bumisita sa bahay nina Freddie at makabalik sa natural nilang tirahan sa gubat? Panoorin ang buong kuwento sa video. – FRJ GMA News