Huli man na tinawag ang kaniyang pangalan sa 1,844 na mag-aaral na nagtapos sa isang paaralan sa Puerto Princesa City, Palawan, umani naman siya ng masigabong palakpakan na nakaantig sa damdamin ng mga dumalo sa naturang pagtitipon.
Kuwento ni YouScooper Fatima Alura na kumuha ng video, ginanap ang ika-9 na commencement exercises ng Palawan National School – Senior High School noong Abril 2, 2026 sa Puerto Princesa City Coliseum.
Ayon kay Alura, kabilang si Christine Velasco, isang estudyante mula sa Open High School Program sa 1,844 na nagtapos, at isa sa mga honor student.
Ang pangalan ni Velasco ang huling tinawag, at madidinig ang malakas na palakpakan ng mga nasa pagtitipon, kabilang ang mga estudyante.
Makikita rin na nagpakuha ng larawan ang mga opisyal na nasa entablado na kasama siya.
Ayon kay Alura, kabilang siya sa naantig sa naturang tagpo, at naroon siya upang saksihan ang pagtatapos ng kaniyang kapatid.
–FRJ GMA News

