Ngayong matindi ang init ng panahon, may ilang simpleng paraan na puwedeng gawin para mapanatiling presyo ang temperature sa loob ng bahay. Alamin kung ano ang mga ito.
Nauna nang sinabi ng state weather bureau na PAGASA na inaasahang aabot sa 35°C hanggang 39°C ang temperatura sa Metro Manila ngayong Abril, at 35.5°C hanggang 37.6°C naman sa Mayo.
Sa episode ng “Unang Hirit” nitong Miyerkules, ibinahagi ni arkitekto na si Dax Augustus ang limang tips para mapanatiling malamig sa loob ng bahay sa gitna ng mainit na panahon.
1. Humanap ng tamang puwesto para sa electric fan
Malaki umano ang epekto ng tamang paglalagay ng electric fan sa daloy ng hangin.
“Dapat aware tayo kung saan nanggagaling yung natural wind direction kasi minsan maling direction naman, walang pumapasok na hangin,” ayon kay Dax.
2. Dapat na may papasukan at lalabasan ang hangin
Makatutulong umano ang pagkakaroon ng higit sa isang bintana para sa mas maayos ang sirkulasyon ng hangin sa loob ng kuwarto.
“Ideally, dalawa ang bintana kasi ang dynamics ng hangin, may papasukan at may lalabasan,” paliwanag niya, sabay sa paghalintulad sa isang sisidlan na isa lang ang lagusan na kapag napuno ay wala nang lalabasan.
“’Pag pumasok ’yan [hangin] at napuno, wala na ring papasukan na hangin kasi puno na siya. So ’yung hangin sa loob, nakaipon lang, kulob na siya,” sabi ni Dax.
3. Pumili ng puti o mapuputing kulay ng pintura
May papel din umano ang kulay sa dami ng init na kayang i- absorb ng bahay.
“Maraming factor ’yan kahit sa damit, kasi na-a-absorb ng heat,” ani Dax. “Darker colors nag-a-absorb ng heat radiation.”
“Ideally, your house, kung gusto mo mas cooler, paint it white or light kasi it reflects radiation around 70 to 90%,” dagdag niya. “Ang laking factor noon, and it can make the house two to five°C cooler.”
4. Panatilihing walang nakaharang sa mga bintana
Maaaring umanong pumigil sa maayos na daloy ng hangin at natural na bentilasyon ang mga nakaharang sa bintana.
“Alisin ang mga nakaharang sa bintana para hindi mabawasan ang natural ventilation,” sabi ni Dax.
5. Huwag maliitin ang tulong ng mga halaman
Ang paglalagay umano ng mga halaman sa paligid ng bahay ay makatutulong para mabawasan ang init.
“Maaaring maglagay ng halaman sa tapat ng bintana para makatulong sa pagbabawas ng init,” payo niya. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News
