Nagsimula sa simpleng kinahihiligan lang ni mister, naging negosyo na rin ni misis ang crayfish sa Lucena City sa Quezon Province. Mula lamang sa puhunan na P750, umaabot na ngayon ng six digits kada buwan ang kanilang kita.

Sa nakaraang episode ng Pera Paraan, itinampok ang mag-asawang Jhel Enriquez-Rejano at Ronald Rejano, na may negosyong pag-aalaga at pagpaparami ng crayfish na kanila namang ibinebenta.

Kuwento ng mag-asawa, nagpagawa noon si Ronald ng isang pond para paglagyan ng mga aalagaan niyang Koi at Tilapia. Subalit namatay ang mga isda. Hanggang sa nakita niya sa social media ang crayfish na madali umanong alagaan at puwede pang iwan.

Sa halagang P700, bumili si Ronald ng “Trio” crayfish na binubuo ng isang male at dalawang female, pati na rin ng ref tab na P50 sa junk shop.

Makaraan ang dalawang buwan, napansin ni Ronald na buntis na ang isang female crayfish. Ngunit biglang napurnada ang pagkakaroon sana ng craylings o mga anak nito

“Napapadami ‘yung aking chicken feeds. ‘Pag sobrang dami nu’n nilagay mo pala, tapos hindi nila naubos, parang napo-poison 'yung tubig. Nagkakaroon ng ammonia, mas mataas. Namamatay nga 'yung mga craylings sa water quality. Inaral ko itong pag-aalaga ng crayfish. Like six months trial and error,” sabi ni Ronald.

Inabot ng kalahating taon ang mag-asawa para makagawa sila ng sistema para matiyak na kalidad ang tubig ng kanilang crayfish.

Hinihigop ng kanilang DIY filter ang tubig mula sa pond papunta sa unang container na may Japanese mats para bumalik na malinis ang tubig sa pond.

Kalaunan, naimpluwensiyahan ni Ronald ang misis na si Jhel na mag-alaga ng crayfish at naging interesado na rin ito.

Ginawan ito ni Jhel ng content samantalang si Ronald ang cameraman.

“Nu’ng nag-live ako from there, nakita ko na ang taas ng views, maraming nagtatanong, ‘Ano ba ‘yan?’ ‘Shrimp ba ‘yan?’ ‘Crab ba ‘yan?’ Doon ko na-determine na okay pala ito sa tao,” sabi ni Jhel, na unti-unting lumago ang followers.

Hanggang sa nakabuo na si Khel ng network, mga possible clients, at grupo ng mga nagnenegosyo ng crayfish sa Quezon.

Mula sa mga sirang ref, nakapagpagawa na ang mag-asawa ng concrete ponds.

Australian Red Claw na uri ng crayfish ang kanilang inaalagaan, na natatanging aprubado ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Depende ang presyo ng mga crayfish mula craylings hanggang Trio.

Sa pangatlo nilang pond pinaka-pumapaldo ang mag-asawa dahil sa “rare” na klase ng Australian Red Claw, na kulay orange.

Naibibenta nila ang isang pares ng rare crayfish mula P3,000 hanggang P4,000 depende sa laki.

Mula sa pagbebenta at pagko-content, nakapagpatayo na sila ng sariling cafe kasama ang kapatid ni Jhel, na isa namang chef.

Maaaring tikman sa kanilang cafe ang crayfish pasta mula sa presyong P300.

“Gawin munang hobby. Huwag munang isipin na pangbenta agad, negosyo. Hobby muna. Mag-enjoy,” payo ni Ronald.

“Sa lahat naman na agriculture, hindi talaga siya na pagkatanim mo, aanihin mo agad. So kailangan mong maghintay talaga ng mga months or years,” sabi ni Jhel.

“Naging financially independent ako. Nagkaroon ka ng sariling negosyo, ng sariling pagkukuhaan ng pera, nang hindi ka nakadepende sa asawa mo. Kaya mo namang kumita kahit nasa bahay ka lang. Kaya mong kumita kahit nanay ka na. Kaya mong kumita kahit hindi naman ganong kalaki 'yung ilalabas mong pera,” sabi pa niya tungkol sa pagnenegosyo ng crayfish.—FRJ GMA News