May aasahan ang mga motorista na panibagong malakihang tapyas sa presyo sa diesel sa Martes, April 28, 2026, ayon sa Department of Energy (DOE). Pero ang gasolina, posibleng may bahagyang dagdag sa presyo.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, bababa ang presyo ng diesel ng P12.94 kada litro, habang P15.71 per liter naman ang posibleng tapyas sa presyo ng kerosene.

Pero ang presyo ng gasolina, posible umanong tumaas ng P0.53 per liter.

"There will be a rollback tomorrow at P12.94 minimum. May estimated pump price range sa diesel na P75.93 to P101.96," sabi ni Garin sa media briefing.

"Iba-ibang gas station, iba-iba ang presyo. Depende 'yan kung malayo sa depot or inland siya. Malayo i-deliver, mas magastos ang pag-deliver sa gas station so mas mahal ang benta," dagdag ng kalihim.

Ito na ang ikatlong sunod na linggo na mababawasan ang presyo ng diesel kasunod ng kasunduang tigil-labanan ng US-Israel at Iran. Mula noong Pebrero 28, ilang sunod-sunod na malakihang pagtaas sa presyo ng krudo ang ipinatupad dahil sa kaguluhan sa Middle East.

Inanunsyo rin ng DOE na dumating na sa bansa ang apat na shipment ng diesel na binili sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company. Umaabot ito sa humigit-kumulang 178 milyong litro ng diesel, na sapat para sa limang araw na buffer stock

"The arrival of all four diesel shipments shows that the government is acting with urgency to protect the country's fuel supply. As the Middle East conflict continues. our priority is to ensure that the Philippines remains prepared, adequately supplied, and able to respond swiftly to developments that may affect fuel availability and market stability," ayon kay Garin.— Sundy Locus/FRJ GMA News