Memorable para kay Drew Arellano ang Hong Kong dahil dito isinaboy ang mga abo ng kaniyang yumaong ama. Ano nga ba ang kuwento sa likod nito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Biyahe Ni Drew,” muling binisita ni Drew ang Sai Kung, na itinuturing na "Back Garden” ng Hong Kong.

Bukod sa masasarap na seafood, kilala rin ang Sai Kung dahil sa mga activity gaya ng water sports at hiking.

Pero para kay Drew, malapit sa kaniyang puso ang lugar.

“Nakakatawa dahil this is I think, the first time again, returning after my father's passing.
Hindi dito namatay ‘yung dad ko 13 years ago, pero dito namin dinala ‘yung ashes niya at itinapon [isinabpy] namin dito sa Sai Kung [bay],” sabi niya.

“Ang Hong Kong generally very nostalgic to me, dahil once upon a time noong buhay pa ‘yung tatay ko, siya ‘yung abogado ng maraming OFWs,” kuwento pa niya.

Ayon kay Drew, kahilingan mismo ng kaniyang ama na sa Hong Kong isaboy ang kaniyang mga abo.

“Kasi ito talaga [Hong Kong] ang naging second home niya,” sabi ng Biyahe Ni Drew host.

Dagdag pa ni Drew, hindi madali ang pagproseso para dalhin sa Hong Kong ang mga abo ng ama at isaboy doon.

“Para linawin lang natin, hindi basta-basta dadalhin ‘yung ashes ng mahal mo sa buhay at ito-throw mo sa dagat. We had to go through the proper channels and proper government agencies to secure permits,” paalala niya.

Tunghayan sa Biyahe Ni Drew ang pag-enjoy ni Drew sa mga masasarap na seafood sa Sai Kung. Panoorin. – FRJ GMA News