Laking buwenas ng isang lalaking solo parent nang manalo siya ng mahigit P35 milyong jackpot prize sa Lotto 6/42 nang itaya niya ang natitirang P50 sa kaniyang bulsa.
Sa inilabas na pahayag kamakailan ng Philippine Charity Sweepstakes Office, sinabing mula sa Negros Occidental ang lucky winner, na nanalo ng jackpot sa Lotto 6/42 draw noong May 2, 2026.
Kuwento umano ng mananaya, katatapos lang niyang mamili sa palengke ng kaniyang mga ititinda sa kaniyang sari-sari store nang maisipan niyang itaya sa lotto ang natitirang P50 sa kaniyang bulsa.
Pero sa halip na ang mga alagang numero ang tayaan, pinili niya na mag-Lucky Pick, na ang lumabas na winning number combination ay 22-34-42-19-03-25.
“Parang hindi totoo noong una,” saad umano ng lucky winner nang malaman niyang tumama siya ng jackpot makaraan ang 15 taon na pagtaya sa lotto.
Plano umanong gamitin ng lucky winner ang kaniyang napanalunan para sa kanilang negosyo, edukasyon ng kaniyang mga anak, at para sa kinabukasan ng kaniyang pamilya.
Dahil sa hindi niya inaasahang biyaya, napagtanto umano ng lucky winner ang kasabiha na “kapag para sa iyo ay para talaga sa iyo,” – FRJ GMA News

