Namangha ang isang mangingisda sa Lebak, Sultan Kudarat matapos siyang makakita ng kakaibang bagay na palutang-lutang sa dagat. Nang lapitan niya ito, lumakas ang kaniyang hinala na isa itong Ambergris o suka ng balyena, na ginagamit sa sangkap sa pabango at binibili sa napakataas na halaga. Tama ang kaniyang hinala? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng mangingisdang si Gabriel Kilat, kung paano niya nakuha ang kakaibang bagay na palutang-lutang sa dagat at pinagpipiyestahin pa ng pating.

“Nakita ko, sobrang puti parang styrofoam. Makintab siya na parang nagmamantika,” sabi ni Gabriel, na natakot dahil napaliligiran ito ng mga pating.

Pero nilabanan ni Gabriel ang kaniyang takot at nilapitan ang bagay, at doon niya nalanghap ang kakaiba nitong amoy.

“Nang inamoy ko, parang perfume na malansa!” sabi niya.

Kinutuban si Gabriel, at naghinalang ito ang napakailap na suka ng balyena o ambergris, na tinataya niyang nasa 200 kilo ang timbang.

Pero dahil hindi niya kayang iahon ang hinihinala niyang ambergris, tumawag siya ng iba pang mga mangingisda bilang backup. Diniskartehan nila itong kunin gamit ang mga lubid sa kabila ng dami ng pating na pumapaligid dito.

Kalaunan, nahila at nadala nina Gabriel sa pampang ang napakalaking bagay.

Mas lumakas pa ang kanilang hinala na lehitimo itong ambergris dahil noong Marso, mayroon umanong 54 talampakang sperm whale na na-stranded at namatay sa katabing bayan lang ng Kalamansig sa Sultan Kudarat din.

Dahil sa nakasusulasok nitong amoy, napagdesisyunan ng barangay kinaumagahan na ilibing muna ang hinihinalang Ambergris. Pero sa mismong araw din, muli itong hinukay ng mga awtoridad at dinala sa bayan ng Isulan para isailalim sa pagsusuri.

Umaasa si Gabriel na posibleng ito na ang mag-aahon sa kaniya sa kahirapan dahil batay sa kaniyang pag-search online, nasa P300,000 kada kilo ang bentahan nito.

Kaya kung 200 kilos ang nakuha niyang bagay na hinihinala niyang ambergris, maaari itong pumalo sa halagang P60 milyon.

Nabubuo ang ambergris sa loob ng isang sperm whale.

“‘Pag ang main diet niya ay mga giant na squid na puwedeng magasgas 'yung tiyan ng sperm whale, binabalutan niya ito ng isang substance na medyo waxy na galing sa gallbladder niya. Ito 'yung nagbabalot doon sa suka na magiging ambergris,” paliwanag ni AA Yaptinchay, isang marine biologist.

“Pero may dalawang uri ng Ambergris. Na-age na siya sa dagat ng ilang taon. Parang bato na siya. Hindi siya illegal i-possess at i-trade. Hindi kasi siya considered by-product. Pero 'yung sariwang ambergris na mukhang galing pa sa katawan, considered by-product siya which is covered by 'yung Philippine law,” dagdag ni Yaptinchay.

Mahal ang bentahan ng ambergris dahil ginagamit ito sa perfumery o paggawa ng mamahaling pabango at bilang fixative o sangkap na nagpapahaba ng kapit ng amoy ng pabango sa katawan.

Upang magkaalaman na, ipinasuri ng KMJS sa isang marine biologist mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources kung ambergris talaga ang nakuhang bagay ni Gabriel. Magiging milyonaryo kaya siya?

Sa kasamaang-palad, lumitaw na hindi ambergris ang nakuha ni Gabriel. Ano kaya ito at mayroon pa rin kaya itong halaga? Alamin ang kasagutan sa video ng KMJS. Panoorin. – FRJ GMA News