Nabalot ng takot ang isang magkaibigan matapos nilang makita at makuhanan ng video ang isang misteryosong nilalang na nagliliwanag ang mga mata habang nasa tubig sa loob ng Liyang Cave sa Sorsogon. Ano nga kayang nilalang ang kanilang nakita? Alamin.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, mapanonood ang video ni Erjie Estolonio, na biglang napaatras nang mapansin ang misteryosong nilalang na akala niyang tao sa gitna ng kadiliman sa loob ng kuweba.
Nakadagdag pa sa takot ni Erjie ang nagliliwanag na pares ng mga mata ng nilalang.
“Naniniwala ako na may nakunan kaming entity,” sabi ni Erjie.
“Grey po 'yung kulay niya. Tapos umiilaw po 'yung mata. Nilapitan na namin, bigla siyang lumubog,” sabi naman ng kasama niyang si Cyrus Garbida.
Nangyari ito noong hapon ng Abril 19, nang nagpasiya ang magkaibigan na mamasyal.
“First time ko po na pumunta doon. Hinintay namin na mawalan ng tao doon sa loob mismo ng cave. Nu’ng wala na pong tao, doon kami nakapag-isip na pumasok. Sobrang dilim sa medyo loob na part,” kuwento ni Erjie.
Mahirap suyurin ang dulo ng Liyang Cave dahil napakakipot ang daan papunta roon. Ngunit nasolo pa rin nina Erjie at Cyrus ang yungib noong mga oras na iyon, at unang nakapag-picture si Cyrus.
Ngunit nang si Erjie na ang kinuhanan ng video ni Cyrus, bigla siyang nanlamig.
“Gulat ako! May tao!” sabi ni Erjie sa video.
“Pagtalikod ko sa camera, nakita ko na parang umiilaw 'yung mata. Mata lang 'yung nakaahon. Nakatingin lang siya sa amin. Nakapirmi lang siya doon sa isang lugar na ‘yon,” sabi ni Erjie.
“Napalingon siya sa akin, tapos nagulat din ako. Tapos sabi niya, ‘Nakita mo ba 'yung ulo?’ Sabi ko ‘Nakita ko rin.’ Gray po 'yung kulay niya. Tapos umiilaw po 'yung mata,” sabi naman ni Cyrus.
Sinubukan nila itong lapitan, pero lumubog na umano ang nilalang. Para masigurong tao lamang ito, naghintay sila na lumabas ito mula sa kuweba.
“Ang una kong naisip noon, iba baka tao na sumisisid. Naghintay kami na may lumabas. Halos mag-iisang oras, pero walang umaahon,” sabi ni Erjie.
“Parang siyokoy,” sabi ni Cyrus.
“Hanggang sa pag-uwi namin, hindi na ako makatulog kasi natatakot po ako talaga. Buong gabi po akong puyat, kakaisip kung ano ba talaga 'yung nasa video,” sabi pa ni Cyrus.
Sinimulang buksan sa publiko ang Liyang Cave noong 2016. Si Lourdes Floranda na ang nagsilbing caretaker nito.
Ayon kay Lourdes, hinihinala niyang ang mismong tagapagbantay ng kuweba na tinatawag na si “Liyang” ang nakunan nina Erjie at Cyrus.
“‘Pag umaga, doon na kami, naglilinis kami. Biglang lingon ko, may nakita ako. Nakatalikod siya, papunta ng kuweba, papasok siya. Tinitigan ko siya nang maayos, nawala. Sabi ko, ‘Ay, siguro may bantay talaga dito,’” ani Lourdes.
“Tinatanong namin 'yung mga taga-rito, mga ninu-ninuno, bakit tinawag nilang Liyang? 'Yung may nakatira nga diyan, 'yung ano daw pangalan, Liyang. Sa tingin ko po talaga si Liyang ‘yun. Siguro natutuwa siya sa mga tao na nagbi-video. Gusto niya rin magpakita. Siguro pinipili lang 'yung pagpapakitaan niyan,” paliwanag pa ni Lourdes.
May pambihira rin umanong katangian si Liyang.
“Naniniwala po ako na nagbabago ng ano 'yung mga elemento,” anang caretaker, na tiniyak na may mabuti namang kalooban si Liyang.
Tunghayan ang mismong pagpasok ng team ng KMJS, kasama sina Erjie at Cyrus, sa Liyang Cave, para matukoy ang misteryosong nilalang sa pamamagitan ng paglulubog ng camera sa tubig. Magpakita ulit kaya ito, at ano naman kaya ang paliwanag ng isang opisyal mula sa MENRO, at isang video editor, tungkol sa video ng magkaibigan? Panoorin ang buong kuwento. –FRJ GMA News
