Kinumpirma na ng Bureau of Fire Protection (BFP) na isang Malaysian citizen na bumibisita sa Pilipinas ang nasawi matapos ma-trap sa isang apartelle na katabi ng gumuhong ginagawang gusali sa Angeles City, Pampanga. Habang pinapangambahan na may 20 tao pa na nasa ilalim ng mga guho.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa “24 Oras Weekend” nitong Linggo, sinabing nakuha na ang mga labi ng nasabing biktimang dayuhan.

Nauna nang sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na nakakausap pa ng rescuers sa cellphone ang lalaking turista.

Nangyari ang insidente madaling-araw ng Linggo.

Samantala, naghihintay naman si Lorena Angcao ng balita tungkol sa kaniyang kapatid at hipag na mga tindero, at may tindahan malapit sa gumuhong gusali na may siyam na palapag upang gawing hotel.

Ayon sa isang kakilala na nakaligtas sa trahedya, natutulog umano ang kapatid at hipag ni Lorena sa kanilang tindahan kaya hindi sila nakatakbo nang gumuho ang katabi nilang gusali.

Mga construction worker sa ginagawang gusali ang karamihan sa mga pinapangambahan biktima.

Kabilang sa mga nakaligtas si Bryan Sytangco. Ayon sa kaniya, nangyari ang insidente dakong 2:30 am habang natutulog sila sa barracks sa ilalim ng gusali.

Nagtamo rin siya ng mga sugat sa ulo, braso, at binti.

Kasama ring natutulog sa barracks ang mga pamilya ng mga manggagawa. Kabilang umano sa mga posibleng na-trap ang pinsan ni Bryan at ang 17-anyos nitong anak.

Mano-manong ang ginagawa ng BFP sap ag-alis sa mga debris habang nagpapatuloy ang search and rescue operations para sa mahigit 20 iba pang pinaniniwalaang nawawala.

Hindi pa umano puwedeng gamitan ng makina ang pag-alis sa mga debris dahil maaaring mas malagay sa panganib ng panibagong pagguho ang mga biktimang natabunan.—FRJ GMA News