Inihayag ni Senate President Alan Peter Cayetano ngayong Lunes na nananatiling solido ang samahan ng 13-miyembrong majority bloc ng Senado sa gitna ng usap-usapan tungkol sa posibleng pagbabago muli ng liderato sa kapulungan.
"Buo 'yung 13 [sa majority]. Sa 13, walang onsehan," sabi ni Cayetano sa mga mamamahayag.
Onsehan ang tawag sa pagtataksil o panloloko ng kasamahan sa grupo.
Nitong weekend, lumutang ang mga usap-usapan hinggil sa panibagong pagbabago sa Senado matapos ipahayag nina Senators Francis Pangilinan, Panfilo “Ping” Lacson, at Vicente “Tito” Sotto III, ang kanilang suporta kay Senator Sherwin Gatchalian, na umano’y isa sa mga posibleng maging susunod na Senate president.
Nauna ring nagpahayag ng suporta si Senator Risa Hontiveros kay Gatchalian sa posibilidad na maging Senate president, at sinabing makabubuti ito para sa Senado.
Binubuo ang majority bloc nina Cayetano at Senators Ronald “Bato” dela Rosa, Loren Legarda, Pia Cayetano, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Bong Go, Rodante Marcoleta, Imee Marcos, Robin Padilla, Joel Villanueva, Camille Villar, at Mark Villar.
Samantala, kabilang naman sa 11 senador na minority bloc sina Hontiveros, Gatchalian, Pangilinan, Lacson, Sotto, Senators Bam Aquino, Lito Lapid, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo, JV Ejercito, at Juan Miguel Zubiri.
Samantala, kinumpirma ni Zubiri na nakikipag-usap ang minority bloc sa ilang miyembro ng majority bloc. Gayunman, inamin niya na wala pa silang sapat na boto para sa isang Senate coup upang mapalitan sa puwesto si [Alan] Cayetano.
"Medyo mainit pa ang ulo ng mga senador sa pangyayari last week. Medyo kailangan po natin kalmahin ang mga emotions nila, tapos mag-usap-usap po kami. Pero so far, we're still talking to several individuals, and hopefully magkakaroon kami ng coalition. So we'll see," ayon kay Zubiri.
Sinabi ni Zubiri na susuportahan ng minority bloc si Gatchalian bilang lider ng Senado.
"Senator Win is the most acceptable candidate to all of us, kasi maganda naman yung handling niya sa Finance Chairmanship niya pag head ng Finance Committee," pahayag niya.
"Very fair, very transparent, and that's what we want. And of course, he's also a consultative leader, so hopefully we get one or two more from the majority bloc," dagdag ni Zubiri. – Sundy Locus/FRJ GMA News
