Marami ang nalungkot sa lumabas na balita na 225 puno ng narra na mahigit 50-taon ang edad ang pinutol sa Quirino Avenue para bigyan daan ang pagtatayo ng panibagong Southern Access Link Expressway o SALEX. Ano nga ba ang sinasabi ng batas tungkol sa ganitong usapin? Alamin.
Sa segment na Ask Me! Ask Atty. Gaby” sa GMA’s Unang Hirit nitong Lunes, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na kailangang magpaalam at kumuha ng permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) kapag magpuputol ng puno—maging isa dalawa o 200 puno man-- kapag nasa sa public land gaya ng mga sidewalk, plaza at iba pang pampublikong lugar.
Dapat na sang-ayon din ang lokal na pamahalaan sa pagpuputol sa mga puno. Sa regulasyon umano ng DENR, maaari lamang gawin ang pagputol ng mga puno on public land sa dalawang dahilan– kapag peligroso na ito at may posibleng mabagsakan dahil compromised na ang puno, at pangalawa ay kinakailangan para sa government infrastructure projects ang tinatayaan nito.
Kabilang dito ang road widening projects, pagpapatayo ng mga kalye, daan at tulay. Kailangan din umanong ipakita sa pag-aaral ng mga specialist na hindi kayang i-reroute ang proyekto para maisagawa.
Pero sa halip na putulin ang puno, hindi ba maaaring i-earth ball o bunutin at ilipat ang mga puno? Ayon kay Atty. Gaby, may mga patakaran sa paggamit ng earth balling na mas preferred sana kaysa sa pagputol ng mga puno.
Nagiging hindi umano feasible ang earth balling kapag sobrang laki ang mga puno, malaki na ang risk na mamamatay lang ang mga puno dahil hindi kakayanin ang “shock” sa mga ugat, bukod pa usapin ng malaking gastos, at ang equipment na kailangang gamitin.
Kaya naman nauuwi na lang ang karamihan sa pagputol ng puno kapalit ng tree planting para mapalitan ang mga pinutol na puno. Ang karaniwang palit umano sa bawat puno ng puputulin ay 100 seedlings ang itatanim. Ngunit ang tanong, saan itatanim ang mga seedling? Tuloy-tuloy ba itong maaalagaan?
Ayon kay Atty. Gaby, hindi lamang sa mga pampublikong lugar ipinatutupad ang naturang mga patakaran kung hind imaging sa mga pribadong lupa. Kaya naman hindi umano maaaring basta na lang makakapagputol ng mga puno kahit sa pribadong lupa. Kailangan pa rin umanong kumuha ng permit para magputol ng puno at mag-apply para sa private land timber permit (PLTP).
Ang proseso nito, mag-uumpisa sa barangay, na kailangang suriin ang lupa at ang mga puno, at kailangang magsumite ng application fee. Gayunman, may regulasyon na inilabas ngayong 2026 na kung isa o dalawang puno lamang ang puputulin, hindi na kailangan kumuha ng permit pero kailangan pa rin magbigay ng notice.
Samantala, ang tinatawag na Writ of Kalikasan ay karaniwang ginagamit para ipatigil ang mga tree cutting activities na maaaring magresulta sa pagkasawi ng buhay, may panganib sa health and safety ng nakatira sa lugar. Tulad umano ito sa pagpapatigil ng tree cutting sa mga bundok dahil baka magkaroon ng landslide.
Kaya maaaring hindi umano umubra ang writ of kalikasan para sa mga puno sa kalye dahil walang imminent danger sa mga tao. Gayunman, iginiit ni Atty. Gaby na dapat isalba ang mga puno dahil hindi kayang palitan ang mga puno na deka-dekadang panahon ang kinailangan para tumubo at lumaki.
“Otherwise, kawawa naman ang mga anak at apo natin na concrete jungle na lamang talaga ang malalaman at makikila nila,” saad niya. –FRJ GMA News