Upang madagdagan ang kita, isang grupo ng mga kababaihang mangingisda ang gumagawa ng ipinagmamalaking seaweed crackers mula sa isang isla sa Concepcion, Iloilo.

Kuwento ni Regina Azuelo, presidente ng Sitio Lo-oc Polopiña Small Fisherfolks Association (SILOSFA), sa programang “Biyahe ni Drew,” nagsisilbing sideline ng kanilang mga miyembro ang paggawa ng seaweed crackers dahil hindi nakasasapat ang kita sa kanilang trabaho.

Pangunahing sangkap sa seaweed crackers ang seaweeds na kanilang kinukuha sa dagat.

Una muna nilang ibinibilad ang seaweeds ng ilang oras hanggang sa matuyo. Pagkatapos nito, ilang beses nilang huhugasan ang pinatuyong seaweeds para maalis ang mga dumi at alat-dagat.

Sunod na proseso ang pagbabad nito sa tubig sa loob ng 24 oras para lumambot muli, at saka nila ilalaga.

Kapag nalaga na, dudurugin na nila hanggang sa maging puree at saka naman ihahalo sa harina upang maging dough. Sunod namang ipa-flat ang dough at saka hihiwain ng maliliit upang iprito para maging crackers.

Nagagawan nila ng iba’t ibang flavor ang crackers gaya ng cheese, sour cream at ang best seller nila na barbecue.

Malaki ang tulong nito sa kanila at naipapadala sila sa trade fair sa suporta na rin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

“Actually itong seaweeds… ang seedlings galing itong BFAR at saka yung mga kagamitan namin,” sabi ni Azuelo.

Nang tikman ng host na si Drew ang crackers, pasado naman sa kaniyang panlasa at magandang alternatibo raw sa mga tsitserya. Panoorin sa video kung papaano ginagawa ang seaweed crackers. – FRJGMA News