Nalagay sa peligro ang buhay ng isang “bride” mula sa isang Muslim wedding ceremony matapos umano siyang saktan nang malaman na isa pala siyang biological male sa Palimbang, Sultan Kudarat.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nadatnan na ng team ng programa ang kontrobersiyal na “bride” na si “Sophia,” hindi niya tunay na pangalan, sa Palimbang Municipal Police Station.
Kalaunan, inilipat at iniuwi muna si Sophia sa kanilang bayan sa Maitum, Sarangani Province.
Pag-amin ni Sophia, gay talaga siya.
“Bakla po ako talaga, bata pa po ako. Gusto ko lang sana po na maging trans,” sabi niya.
Bago ang kaguluhan, sinabi ni Sophia na noong nakaraang taon nang mahulog ang kaniyang loob sa binatang si “Ali,” na nakilala niya online.
“Nagsimula po kami niyan dati po sa ML po. Hanggang po sa Facebook na po kami nagcha-chat. Nag-uusap po kami sa video call po. Hindi po nahalata sa boses ko na boses pong lalaki,” ani Sophia.
Hanggang sa nagkita na rin sina Sophia at Ali.
“Hindi po halata na lalaki po ako. Hindi ko pa po inaamin sa kaniya na bakla ako. Nahulog po kami sa isa't-isa,” sabi ni Sophia.
Makaraan ang dalawang buwan, umamin na umano si Sophia tungkol sa tunay niyang kalagayan.
“Doon ko na po sinabi sa kaniya na ganito ang kasarian ko. Sa personal po talaga. Tanggap din naman daw niya po ako. Minahal po talaga namin 'yung isa't-isa. Nilihim po namin talaga pareha-pareha sa pamilya po namin,” sabi ni Sophia.
Ang kapatid ni Sophia na si “Zaira,” sinabing alam lamang ng kanilang pamilya na magkaibigan sina Sophia at Ali.
“Ang pagkakaalam namin magkaibigan lang po sila. Kung nalaman ko na balik-Islam, pagsasabihan ko na hindi puwede 'yung ganiyan na gawain nila,” sabi ni “Zaira.”
Pag-amin pa ni Sophia, “Alam ko naman po na bawal po 'yung magpakasal po sa Muslim, 'yung lalaki to lalaki po. Gusto ko lang po 'yung sana 'yung mag-live-in.”
Ngunit Mayo 12 nang alukin na siya umano ni Ali na tumira sa iisang bubong. Si Sophia naman, napilitan na sumama at hindi nagpaalam sa kaniyang mga magulang.
Unti-unti nang nahalata ng pamilya ni Ali na may kakaiba kay Sophia.
“‘Yung isang kapatid niya po nagduda po sa akin. Patingin daw sabi niya kung babae or lalaki. So pinakita ko. Pero niipit ko lang po 'yung ari ko,” sabi ni Sophia.
Mahigpit ang paniniwala at tradisyon sa Islam na hindi pinahihintulutan ang magkasintahang hindi pa kasal na magsama sa iisang bahay. Kaya Mayo 17 nang itakda na ang kanilang kasal.
Ngunit walang nagpunta sa pamilya ni Sophia sa kaniyang kasal dahil hindi niya rin ito ipinaalam.
“Kinakabahan po ako 'yung that time. Baka patayin po nila ako kung malaman nilang bakla ako. Wala pong atrasan kasi napasubo na po ako,” ani Sophia.
Ayon kay Sophia, balak nila ni Ali na tumakas na lamang matapos ang kasal.
Ngunit dahil na-post online ang video ng kanilang kasalan, ilang netizens ang nagkomento tungkol sa tunay na kasarian ni Sophia. Dito na nabunyag ang kaniyang lihim.
Pagdating sa bahay ng kapitan, doon na pilit pinaamin si Sophia sa kaniyang tunay na pagkatao.
Dito na naganap ‘di umano ang pananakit at paghampas ng baril kay Sophia.
“‘Yung mga kapatid po ni ***** at saka 'yung mga tito niya po, sinusuntok kahit saan sa likod. Kinuwan pa ako ng .45 na baril dito po sa [tagiliran] ko kaya ang sakit po. Dito po ako tinamaan noong gabing dito sa likod. Saka dito din po sa ulo marami din,” kuwento ni Sophia.
Bersiyon ni Ali
Iba naman ang bersiyon ng kuwento ni Ali, na nagsabing hindi niya alam na gay si Sophia.
“Sa buong relasyon namin, hindi ko po talaga alam na bakla siya. Kung nalaman ko talaga noon pa man na bakla siya, matagal na ako umalis. Bawal kasi sa Muslim,” sabi ni Ali, na kauna-unahang naging nobya si Sophia.
Kontra sa sinabi ni Sophia na walong buwan na silang may relasyon, sinabi ni Ali na nito lang Marso sila nagkakilala.
“March 19, sabi niya sa akin magkita daw kami. Naging kami. Niyaya niya ako du'n matulog sa kanila. Walang nakahalata sa mga kamag-anak ko at mga magulang ko na bakla talaga siya,” sabi ni Ali.
Pinabulaanan din ni Ali na nagtanan sila ni Sophia, at ito pa ang may gusto na matulog sa kanilang bahay.
“Tapos sabi niya sa akin, ‘Umuwi na tayo.’ Sabi ko, bawal du'n sa amin na magsama 'yung babae at saka lalaki na hindi kasal kasi Haram. Papakasal na lang tayo para hindi maging Haram du'n sa inyo. 'Yung ginagalaw ko na siya, pinipigilan niya 'yung kamay ko. Sabi niya daw sa akin, magpapakasal muna daw bago mayroon daw mangyari sa amin,” sabi ni Ali.
Matapos ang kasal, sinabihan si Ali ng kaniyang mga tiyuhin na lalaki si Sophia.
“Noong hatinggabi, sinabi ng tito ko sa akin, mga pinsan ko, is bakla siya. Pinanindigan ko naman, paano magiging bakla 'yung asawa ko? Pinakita niya naman sa akin, kalahati lang. Hindi ko lang talaga alam kung iniipit niya 'yung ano. Kinabukasan ng umaga, maraming nang naglilipana na chat sa social media. Pinanindigan niya na babae siya,” sabi ni Ali.
“Hindi na ako matahimik talaga. Galit na galit talaga ako sa kaniya. Kasi po 'yung g****** niya talaga ako at saka g****** 'yung lahat ng mga pamilya ko. Nagsinungaling pa siya,” sabi pa ni Ali.
Natuklasan din na hindi pala iyon ang unang beses na nagpakasal si Sophia sa isang lalaki, na nahulog din ang loob sa kaniya. Bakit nga ba ito ginagawa ni Sophia, at ano ang parusa na maaari niyang kaharapin dahil sa kaniyang pagpapanggap na isang babae? Alamin ang buong kuwento sa video ng “KMJS.” – FRJ GMA News
