Kinagigiliwan ang isang security guard ng isang pawnshop sa Maramag, Bukidnon dahil sa pagiging kamukha niya ang hinahanap na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa. Hindi kaya siya nangangamba na mapagkamalan? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapanonood ang isang video na namataan umano si “Sen. Bato” sa sanglaan dahil sa tindig nito at pagiging kalbo rin.
Pero hindi pala siya si Senator Bato, kundi ang 49-anyos na sekyu na si Reynald Amodia, “ang Bato ng Bukidnon.”
Nilinaw ni Amodia na hindi talaga siya kalbo noon pero napangitan na ang asawa niya sa ayos ng kaniyang buhok.
“Sabi ng asawa ko na pangit na raw tingnan. Parang tumatanda na raw ako, sabi niya. Kaya 'yun, pinatulan ko. ‘Ahitan mo pa.’ Ay, ano talaga, isagad talaga 'yung ano. Tinry ko naman,” ani Amodia.
Matapos magpakalbo si Amodia, halos lahat ng kaniyang makasalubong, napapa-second look dahil nakita nila ang pagkakahawig niya kay Sen. Bato.
“Minsan mga pulis nagsasabi din sa akin na, ‘Kamukha mo talaga si Bato ha.’ Kasi minsan dumadaan, nabibigla sila. ‘Akala ko nagdu-duty sa Senado?’ Nandito lang po sa pawnshop. Minsan nagpa-picture sila. Minsan nahihiya rin. Sa katagalan, ayun, natanggap ko na rin na, okay lang, i-go ko na ‘to,” kuwento niya.
“Ginagaya-gaya ko rin ‘yung salita niya. Sa boses namin, medyo paos paosin din ako kaunti,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Amodia, minsan na rin silang nagkita ni Sen. Bato at aprubado raw sa senador ang pagiging magkamukha nila.
“Nakita ko si Bato, nagkaway-kaway ako sa kaniya. ‘Senator!’ sabi ko sa kaniya. ‘Napansin niya ako, natulala na lang si Bato Dela Rosa. Naging masaya rin ako, kasi nakita ko rin siya sa personal,’” kuwento ni Amodia.
Sa likod ng kaniyang pagiging mukhang pagiging mukhang singtigas ng bato, sinabi ni Amodia na pamilya ang prayoridad niya.
“Sa mga anak ko, pasalamat naman ako kasi naging maayos din sila. Sabi ko sa kanila, ‘Ituloy lang 'yung pag-aaral niyo. Kasi nandito lang ako, gumagabay din sa inyo.’ Sabi ko, ‘Kahit gaano kahirap natin,’” emosyonal na sabi ni Amodia.
Hindi naman maiwasan ni Amodia na kabahan para sa seguridad, dahil sa kontrobersiyal na kinasasangkutan ng kaniyang ka-look-alike na si Dela Rosa, na nagtatago dahil sa inilabas na arrest warrant ng International Criminal Court kaugnay sa pagkakadawit niya sa war in drugs campaign ng administrasyon Duterte, at marami ang namatay.
“Baka magkamalan po na, ‘Uy, dito pala 'yung ganyan ba?’” pag-amin niya.
Ka-look-alike ni Piolo Pascual
Samantala, kinagigiliwan din ang ka-look-alike ni Piolo Pascual, na si Jornel Sevilla ang Papa P. ng Balanga City, Bataan.
“Naging crush ko siya, kasi kamukha po talaga ni Papa P. Piolong Piolo talaga siya, lalo na sa mata, sa kilay,” ayon kay Mary Ann Navarro, misis ni Sevilla.
Tulad ni Piolo, dati ring OFW si Sevilla, na unang napansin ng kaniyang mga katrabahong Pilipino sa Saudi Arabia na kahawig niya ang aktor.
Kaya para full package, pinanindigan na ni Sevilla ang pagpapaka-hunk, na nag-workout at nag-diet na rin.
Dahil sa kaniyang pagkakahawig kay Piolo, kinuha na si Sevilla bilang kadobol nito sa pelikulang “Mallari” the movie.
Ito na rin ang nagsilbing daan para personal niyang makilala niya nang personal si Piolo.
“Nakaka-proud po na naihahambing tayo sa mga heartthrobs gaya ni Papa P. Tapos ang daming tao sa buong mundo. Ako 'yung nakuha niyang body double. Pinagpapasalamat ko po na naging kalukulay ko siya kasi maraming nagbukas na opportunity sa akin. Maraming pumasok sa aking mga guesting ko, sa mga event. Kumbaga, nasu-survive ko 'yung pang-araw-araw na pamumuhay namin ng pamilya ko,” sabi ni Sevilla.
Kelvin Miranda look-alike
Kinagigiliwan din ang 22-anyos na si Matthew Rebustes, na binansagang si “Kelvin Miranda ng Muntinlupa.”
Walang kamalay-malay si Matthew na ginawa siyang entry ng girlfriend niyang si Yvonne Sorillo sa TikTok trend.
“Ang dami nag-comment ang sabi ‘Kelvin Meryenda.’ Masaya kasi hindi lang ako 'yung humahanga sa boyfriend ko. Pero nakakainis din kasi parang dumadami ang kaagaw ko sa kaniya. Ang sabi ko, akin lang siya,” sabi ni Sorillo.
Pangarap talagang maging artista ni Rebustes.
“Gusto ko 'yung itry 'yung mga actions ano niya. Like, bakbakan niya,” sabi ni Rebustes, na bukas din sa comedy.
“Parang 'yung kulit ko na ito, malalabas ko ito sa camera,” anang binata.
Sa likod nito, taong 2016 nang pumanaw ang kaniyang ina dahil sa asthma. Ang kaniya namang ama nabilanggo noong 2018.
Simula noon, si Rebustes na ang tumayong breadwinner sa mga kapatid, na nagtinda ng isda at gulay.
“First time work ko is restaurant. Then napo-provide ko naman 'yung pangangailangan ng kapatid ko. So I'm so happy kasi as a kuya, nagagampanan ko siya,” sabi ni Rebuster.
“Sobrang gentleman. Sobrang green club niya. Parang brilyante lang ni Adamus. Sobrang green,” sabi ni Sorillo tungkol sa kaniyang nobyo.—FRJ GMA News
