Inihayag ng mga nagpakilalang mga dating miyembro ng Philippine Marines ngayong Huwebes na naghatid sila ng mga maleta ng pera kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr, mga senador na sina Vicente "Tito" Sotto III at Erwin Tulfo, at mga kongresista na sina Leila de Lima at France Castro, at iba pa.

Sa pagdinig na ginawa ng Blue Ribbon committee sa Senado na pinangunahan ni Senador Pia Cayetano tungkol sa kontrobersiyal na flood control funds, sinabi ni Johnny Buduan na noong 2022 nang maghatid sila ng limang maleta sa Ilocos Norte.

Marcos

Sinabi ni Buduan na nagsakay siya at kaniyang mga kasama ng mga maleta sa isang bulletproof na Lexus, na may kasamang itim na bulletproof na Toyota Hilux.

“Ikinarga po namin sa Lexus na bulletproof at saka bina-backupan po namin ng Hilux na bulletproof din,” sabi niya.

Nang tanungin kung para kanino ang mga maleta, tumugon si Buduan na narinig niya lamang na para ito kay Pangulong Marcos.

“Ang narinig ko po noon ay para kay President Marcos, sir,” sabi niya.

Nilinaw ni Buduan na dinala niya at ng kaniyang grupo ang mga maleta sa "Delta Gate," habang tumuloy ang mga indibiduwal na kinilalang sina Sgt. Belnard Tube at "Boss Zaldy" (Zaldy Co) sa paghahatid sa Ilocos Norte.

Sinabi ni Belnard Tube na kalaunan, bumiyahe siya papuntang Paoay, Ilocos Norte, pero hindi niya maibigay ang eksaktong address ng lugar kung saan umano sila nagpunta dahil gabi na sila dumating.

Inilarawan ni Tube ang lokasyon, na isang bahay malapit sa may katubigan at sinabing nakita niya ang mga litrato ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at mga miyembro ng pamilya Marcos sa loob ng tirahan.

“Letter U na bahay,” sabi ni Tube, at idinagdag na makikita sa bahay ang mga litrato ng pamilya at isang telepono na may mga pangalan ng mga miyembro ng pamilya Marcos.

Nang tanungin ni Senador Imee Marcos kung nakita niya ang mga miyembro ng pamilya Marcos noong pagbisita niya, sinabi ni Tube na unang dumating si Representative Sandro Marcos, na sinundan ni Pangulong Marcos, at First Lady Liza Araneta-Marcos.

“Noong dumating po kami, sila-sila lang po. Nauna po si Cong. Sandro, then next po si President, then si First Lady,” tugon niya.

Sinabi pa ni Tube na nagpalipas doon ng gabi ang grupo at bumalik sa Maynila kinabukasan.

Asan ang katibayan?

Bilang tugon, hinamon ng Malacañang ang mga dating sundalo umano na magpakita ng ebidensiya para sa kanilang mga paratang.

“Pakita muna nila ‘yung ebidensya. Madali kasing magturo, lalo na kung ang balak mo lang naman talaga ay manggiba at magsilbing isang obstructionist or destabilizer,” sabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa isang punong balitaan nitong Huwebes.

“So, dapat patunayan nila. Bigyan nila tayo ng dokumento at hindi ‘yung salita lamang,” dagdag niya.

Sotto

Samantala, sinabi ni Benny Bulontante na bahagi siya ng isang advance team na inatasang pumunta sa isang gusali sa Baclaran na may kaugnayan umano kay Sotto bago dumating si Co at ang kaniyang mga kasama.

“Nauna kami sa area kasi in-advise-an kami ng team leader namin na mag-proceed na sa building ni Tito Sotto sa Baclaran,” sabi ni Bulontante sa mga senador.

Ayon kay Bulontante, dinala ang limang malalaking maleta sa lokasyon noong 2024 bago ang panahon ng kampanya sa halalan.

Inilahad niya na sa pagdating ni Co, dinala ang mga maleta sa isang basement area saka isinakay sa isang elevator kasama ang ilang tao na kasama ni Co.

Nang tanungin tungkol sa laman ng mga bagahe, inangkin ni Bulontante na naglalaman ng pera ang mga maleta.

“Pera po,” sabi niya.

Sinabi ni Bulontante na mga malalaki ang limang maleta.

Ayaw patulan

Samantala, sinabi ni Sotto na hindi niya papatulan ang akusasyon dahil hindi naman siya naging senador mula 2022 hanggang 2025.

Dagdag pa niya, namatay na noong 2015 ang indibiduwal na umano’y tumanggap ng mga maleta.

Tinawag din niya ang hearing "a bogus investigation in aid of destabilization."

Tulfo

Sa pagdinig, binanggit din ni Sen. Alan Peter Cayetano ang testimonya na binanggit si Tulfo.

Sinabi ni Bernard Gumban na personal siyang kasali sa paghahatid ng dalawang maleta para umano kay Tulfo.

“Nakapag-deliver po ako kay Senator Erwin Tulfo ng dalawang beses,” sabi niya.

Ayon kay Gumban, may dalawang maleta ang unang paghahatid, na isang maliit at isa namang katamtaman ang laki, habang may anim na maleta na may iba't ibang laki ang pangalawang paghahatid.

Sinabi niyang isinagawa sa isang tirahan sa Greenhills ang mga paghahatid.

Nang tanungin kung paano niya nalaman na pagmamay-ari ni Tulfo ang bahay, sinabi ni Gumban na tinanong niya ang isang tao na kinilalang si Mark Tecsay.

“Sabi ko, ‘Boss Mark, kaninong bahay ito?’ Sabi niya, ‘Kay Senator Erwin,’” pag-alala ni Gumban.

Kasinungalingan

Sa isang pahayag, tinawag ni Tulfo na malaking kasinungalingan ang paratang laban sa kaniya.

“Sa sobrang daming kasinungalingan, siya mismo ay litong-lito. Una, sabi niya sa kaniyang naunang sinumpaang salaysay, nag-deliver raw siya sa akin ng anim na medium-sized na maleta. Ngunit, galing na mismo sa kanyang bibig kanina na dalawa (2) at anim (6) na maleta ang kaniyang idinedeklara,” ayon sa senador.

“Pangalawa, pati sa halaga ng diumano’y nilalaman ng mga maleta, nagkakagulo-gulo na. Sabi dati, kapag small, 15 to 25 million [pesos] ang laman tapos ngayon, 20-25 million. Samantalang sa medium, 30 to 40 million sa affidavit, tapos 40-50 million naman ngayon. Ano ba talaga?” dagdag niya.

Kapansin-pansin din umano na pili lang ang mga binanggit na personalidad na idinadawit ng mga sundalo, at may mga idinadagdag pa.

“Ito ba ang sinasabi nilang impartial investigation? Kapag kaalyado ligtas ka, kapag tagapagtuligsa, delikado ka? Hindi na ito isang simpleng imbestigasyon, ito ay isang malinaw at planadong propaganda laban sa aking pagkatao at reputasyon. Walang puwang sa Senado ang mga fake news at trolls. Sana nag-FB Live na lang kayo,” patuloy ni Tulfo.

“Magkita-kita tayo sa lehitimong Blue Ribbon Committee Hearing,” dagdag niya.

De Lima at iba pa

Isa pang saksi ang nagsabing madalas na nakikipagkita si Castro kay Co sa opisina nito sa kongreso at sa isang townhouse.

“Lagi kaming nagmi-meeting nila Boss Zaldy Co sa opisina niya sa Congress saka sa townhouse,” anang testigo.

Iginiit ng saksi na pagkatapos ng mga pagpupulong, umaalis sina Castro at iba pa na may dalang mga paper bag.

Iginiit din ng saksi na naroon din sina Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas sa ilang mga pagpupulong.

Tungkol naman kay De Lima, iginiit ng saksi na regular siyang dumadalo sa mga pagpupulong kasama si Co sa isang townhouse, at aalis din na may dalang mga gamit pagkatapos ng mga pagpupulong.

“Si Leila de Lima, lagi po 'yan sa townhouse. Ka-meeting po sila, Boss. Tapos pagkatapos po niyan may dala-dala na rin po,” sabi ng testigo.

Dagdag pa ng saksi, naganap ang ilan sa mga pagpupulong noong panahon ng mga pagdinig ng House Quad Committee.

Nauna nang itinanggi ni De Lima ang mga akusasyon at nagsampa pa ng reklamo laban sa 18 personalidad at sa kanilang abogado na si Atty. Levito Baligod.

Samantala, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na may kabuluhan ang mga paratang.

“Mabigat sa atin 'to, dahil pinaniwalaan natin 'yung Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Sen. Lacson, but everyone knows mag-partner talaga 'yan, si Sen. Tito Sotto at Sen. Lacson,” sabi ni Cayetano. -- Sherylin Untalan/ Giselle Ombay/Jamil Santos/FRJ GMA News